Ipinagtanggol ng Philippine National Police ang Police Regional Office-Cordillera kaugnay ng viral na litrato ng isang heneral na umano’y nag-i-inspection sa mga vote-counting machines sa Baguio City, kamakailan.
Ito ay nang kuwenstiyunin ni Commission on Elections (Comelec) Commissioner Rowena Guanzon ang intensiyon ni PRO-Cordillera director, Brig. Gen. Israel Dickson na nakunan ng larawan na sinisipat ang mga nakahilerang VCM at iba pang election paraphernalias sa isang bodega ng ahensiya sa naturang lungsod.
"No one is allowed to inspect our warehouse without permission even if they are directors of PNP. Hey, get out of there," ang bahagi ng tweet ni Guanzon na nagsabing hindi kasama sa mandato ng PNP ang pag-i-inspect ng election paraphernalias.
Depensa naman ni PNP Spokesman, Col. Bernard Banac, kahit hindi kabilang sa mandato ng PNP ang pag-i-inspect ng VCMs ay inatasan naman sila na tiyakin ang pangkalahatang seguridad sa idaraos na eleksiyon sa Mayo 13.
"The PNP is in-charge of overall security, including transport of materials and all. I'm confident it was not to inspect the VCMs.
He just performed his duty and he was given permission. Otherwise, hindi siya pinapasok doon,” pahabol pa ni Banac.
-Martin A. Sadongdong