Ilang araw bago ang Labor Day sa Miyerkules, humirit ngayong Lunes ang grupo na manggagawa sa pribadong sektor sa Metro Manila ng P710 dagdag sa minimum na sahod.

(kuha ni Jansen Romero)

(kuha ni Jansen Romero)

Sa petisyon na inihain ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP), hiniling nito sa National Capital Region Tripartite Wages and Productivity Board (NCR-RTWP) na itaas sa P1,247 ang kasalukuyang minumum wage na P537.

Nilinaw ng grupo na nasa P416 lang ang naiuuwi ng minimum wage earners, at sa suma-total, mas mababa pa sa poverty threshold na P10,481 na itinakda ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang suweldong naiuuwi ng ordinaryong manggagawa, na nasa P9,222 lang kada buwan.

Metro

11K pulis, ide-deploy; 50K raliyista inaasahang dadalo sa ikatlong 'Trillion Peso March'

Napag-alaman na sa naturang sahod, 42 porsiyento nito ay napupunta sa gastusin sa pagkain.

Ayon sa TUCP, ang nasabing halaga ay hindi makabibili ng masusustansiyang pagkain para sa limang miyembro ng isang pamilya, at sasapat lang para sa mumurahing pagkain, gaya ng instant noodles, sardinas, at processed foods.

Iginiit pa ng TUCP na tumaas ang cost of living sa Metro Manila dahil sa TRAIN Law, na nagbunsod para magmahal ang gasolina, softdrinks, at sasakyan.

Nobyembre 2018 nang inaprubahan ang huling umento sa Metro Manila na P25.

Samantala, P750 national minimum wage naman ang puntiryang maigiit ni Anakpawis Party-list Rep. Ariel "Ka Ayik" Casilao, kasabay ng pag-asang magiging prioridad ng susunod na 18th Congress ang nasabing umento.

Umaasa si Casilao na mabibigyang-atensiyon na sa susunod na Kongreso ang House Bill 7787 para maging P750 na ang minimum na suweldo sa buong bansa.

Aniya, ang P750 national minimum wage "has become a national people's movement against exploitation and oppression by foreign monopoly and oligarchs in the country."

“Workers, agricultural workers, peasants, urban poor and other sectors across the country have been demanding for the P750 national minimum wage, thus, stressing its national and democratic character against plunder of labor by imperialists and its local cohort oligarchs,” saad sa pahayag ni Casilao.

-Jun Fabon at Charissa Luci-Atienza