“NAIS kong ihanda na ang bapor. Binabalaan ko ang Canada marahil sa susunod na linggo na mabuti pang kunin nila ang bagay na ito o ilalayag ko ito sa Canada at itambak ang basura dito. Sinasabi ko na sa kanila na maghanda at magdiwang dahil ang basura ay pauwi na. Anak ng ___. Ang mundo ay hinggil sa sino ang puwedeng itulak-tulak lang. Hindi ako. Lalabanan natin ang Canada, magdedeklara ako ng digmaan laban sa kanila. Ibabalik ko talaga ang bagay na ito sa kanila,” wika ni Pangulong Duterte sa San Fernando, Pampanga habang inaalam ang naging epekto ng lindol na tumama dito noong Martes.
Nagbanta pa siya na itatambak ang basura sa Canadian Embassy. “Seryoso ang Pangulo na ibabalik niya sa Canada ang basura,” sabi naman ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo.
Ang basura na binanggit ng Pangulo ay ang mga shipment sa bansa na ideneklarang recyclable plastic, mga basurang kinabibilangan ng mga adult diaper at electronic waste. Pagkatapos ng anim na taon, ang 77 container ng mga ito ay nanatili sa pantalan ng Maynila at Subic. Noong 2015, ang laman ng 26 na container ay ilegal na itinambak sa private landfill sa probinsya ng Tarlac. Noong Hunyo, 2016, iniatas ng Manila Trial Court na ibalik ang basura sa Canada at ang magagastos para dito ay pinasasagot sa importer. Ang Chronic Inc. na nakabase sa Ontario ay siyang nagpadala ng basura sa Chronic Plastic at Live Green Enterprises dito sa bansa.
Ayon sa ambassador ng Canada sa Maynila na si John Holmes, nagulat siya sa banta ng Pangulo gayong ang Ottawa ay nakikipag-ugnayan na sa Maynila para makuha nito ang basura. “Hindi ko pupunahin ang partikular na salita o tono ng Pangulo, pero sasabihin ko na ang aming Prime Minister ay nangakong reresolbahin ang isyu pati na ang pagbabalik ng basura sa Canada,” sabi ni Holmes sa mga reporter noong Miyerkules sa Quezon City. Pero, hindi nito masabi kung kailan maibabalik ang basura bagamat sinabi niya na ito ay kumplikadong isyu na may legal at iba pang isyu na kailangang maresolba.
Ang basura ay isa lang sa mga isyung nagpasama sa relasyon ng Pilipinas at Canada. Si Canada Prime Minister Trudeau ay isa sa mga matinding kritiko ng war on drugs ni Pangulong Duterte. Bukod sa basura, tinuligsa rin ng Pangulo ang Canada dahil binigo nito ang kanyang pagnanais na makabili ng mga military helicopter. Ayaw kasi ng Ottawa na gamitin ng kanyang gobyerno ang mga ito laban sa mga Pilipino. Pero, dahil lang sa basura, magdedeklara ng digmaan ang Pangulo sa Canada. Hindi raw siya ang taong tinutulak-tulak lang. Gaano ba kahalaga ang isyu ng basura sa isyu ng inagaw na ang bahagi ng iyong teritoryo na idineklara na ng Arbitral Tribunal na talagang sa iyo? Eh mistulang nahihintakutan tayong makipaglaban para sa ating karapatan at karapatan ng mga susunod pa nating lahi. Sa halip, kinaibigan pa natin ang nang-agaw para hindi natin masabi na tayo ay tinutulak-tulak lamang. Humingi pa tayo ng pera at negosyo na lalong nagpababa sa dignidad ng mga Pilipino. Animo’y basura lang tayo.
-Ric Valmonte