NALUNGKOT ako nang mabalitaan na may mga alegasyon ng pamumulitika o paggamit ng mga operatiba ang hinahangaan kong Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), ang imbestigador ng Philippine National Police (PNP), upang protektahan ang kandidatura ng ilang piling pulitiko sa parating na halalan sa Mayo 13, 2019.
Ayoko sanang paniwalaan ang balita dahil baka “fake news” lamang ito, subalit nang napasakamay ko ang kopya ng reklamo na inihain sa tanggapan ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo M. Año – aba’y dito ko napagtanto na ‘di na ito biru-biro at malamang na may katotohanan nga na ito.
Mas lalo pang tumindi ang pagkadismaya ko sa sinasabing “politicization” ng paborito kong “investigation and operating unit” ng PNP nang malaman ko na sa mismong pinuno nito, kay CIDG Director Amador V. Corpus nakasentro ang reklamo, dahil sa ang asawa nitong si Victoria “Vicky” Corpus ay tumatakbo sa “lone congressional seat” sa lalawigan ng Abra bilang representante ng PDDS-DPP.
Sa reklamong ipinadala kay DILG Secretary Año – na ibinatay rin sa mga affidavit na natanggap ng PNP Provincial Office ng Abra – may magkakasunod na “political violence” sa ilang barangay sa lalawigan, at ang mga naging biktima ay pawang “supporter” ng kalaban sa pulitika ng asawa ni CIDG Director Corpus na si incumbent congressman Joseph Sto Niño Bernos ng PDP-Laban.
Halos magkakasunod ang mga “political violence” na naganap sa bayan ng La Paz nito lamang mga nakaraang dalawang buwan, na ang pinakahuling biktima ay sina Nicanor P. Turqueza, isang engineer sa City Hall ng lalawigan, na binaril habang papauwi mula sa trabaho; at si Crispin Aquino Abbago, 43, isang empleyado ng National Commission on Indigenous People (NCIP).
Ayon sa reklamo ni Nicasio Turqueza na ipinadala kay SILG Año - pawang mga “die-hard” supporter ni Rep Bernosang ang mga naging biktima ng “political violence” na ito sa La Paz, Abra. Ilang testigo rin umano ang nagsasabi na may mga suspek sa “political violence” na ito na tauhan ng CIDG Regional Office sa Abra.
Nagagamit umano ang ilang operatiba ng CIDG para-i-harass ang ilang supporter, kamag-anak at kaibigan ng kalaban ng asawa ni Director Corpus.
Kagaya umano sa “raid” noong Marso 19, 2019 sa kabahayan sa Barangay Bulbulala at Bgy. Toon, La Paz, Abra -- kung saan naging negatibo naman ang resulta dahil walang nakuha ni katiting na ilegal na bagay laban sa kanila ang mga nang-raid na operatiba ng CIDG.
Kaya’t ang mabigat na hirit nila laban kay Director Corpus: “Furthermore, in view of the fact that the wife of the Director of the CIDG is running against Rep. Bernos for the lone congressional seat, the intervention and participation of the CIDG in the investigation be barred in order to avoid any bias or partisan politics in the said investigation.”
Nagtaka ako kung bakit sa halip na kay PNP Chief Oscar D. Albayalde nagreklamo ang mga kaalyado ni Rep Bernos, ay pinadaan pa muna nila ito sa tanggapan ni DILG Año – nang bigla kong maalala na mag-mistah nga pala sina Albayalde at Corpus -- marahil, dahil dito, medyo duda sila na maaaksiyunan ng pamunuan ng PNP ang kanilang reklamo.
Sa ganang akin naman, kilala ko sa pagiging professional officer si CPNP Albayalde at sa tingin ko, hindi siya magdadalawang-isip na bigyan ng positibong katugunan ang mga reklamong ito.
Ganoon din naman si Director Corpuz na napipiho kong alam na alam nito ang napakahalagang papel ng CIDG sa organisasyon ng PNP -- kaya’t ‘di niya papayagang masira ng pulitika ang integridad nito bilang “premier investigating arm” ng PNP sa pamamagitan ng pagpapakita ng “delicadeza” bilang hepe ng CIDG.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.