ANG Pilipinas ay hindi lang sa pagandahan ng mga babae kilala ngayon sa buong mundo. Kilala rin ang ating bansa sa magagandang dalampasigan, lugar at kabutihang-loob (hospitality). Halos sunud-sunod ang tagumpay ng mga Pinay sa Miss Universe Beauty Pageant. Kabilang dito sina Pia Wurtzbach at Catriona Gray.

Ngayon, nagiging sikat din ang ‘Pinas sa larangan ng pagkain. Batay sa latest edition ng isang international travel publication, ang Lonely Planet Ultimate Eatlist, kabilang ang tatlong pagkaing Pinoy sa Top 500 food experiences o nagustuhang pagkain ng mga tao o dayuhan. Ang mga ito ay ang adobo, sisig at halo-halo.

Ang tatlong pagkaing ito na paborito ng ating mga kababayan ay paborito rin pala ng dayuhan base sa karanasan nila sa pagkain ng iba’t ibang putahe o menu sa iba’t ibang lugar. “Ang pagkaing-Pilipino ay hindi nakakukuha ng international play kumpara sa ibang mga pagkain sa Asya. Ito ay nakalulungkot lalo na sa sinumang nakatikim ng sisig,” ayon sa komento tungkol dito. Ang sisig ay mula sa Pampanga.

Pinakamataas ang antas ng pagkakagusto sa sisig sa mga pagkaing Pinoy. “Hindi pa lubos na nadidiskubre ng mundo ang Filipino cuisine,” badya ni United Kingdom Ambassador Antonio Lagdameo. Ang mga entry sa pagkain ay sinuri ng 20 chefs at food writers at binigyan ng ranggo batay sa lasa, kahalagahang-kultural at pagiging pambihira ng lokasyon o lugar.

oOo

Dalawang sunod na lindol ang tumama sa bansa nitong nakalipas na linggo. Ang una ay sa Luzon na may 6.1 magnitude na ang epicenter ay sa Castillejos, Zambales. Ayon sa mga ulat, 16 ang namatay, 81 ang sugatan at may nawawala pa habang sinusulat ko ito. Ang napuruhan ng pinsala ay ang Porac, Pampanga na gumuho ang isang supermarket na tumabon sa mga tao roon.

Ang pangalawang lindol ay tumama naman sa San Julian, Eastern Samar na may 6.5 magnitude. Batay sa mga ulat (habang sinusulat ko ito), nagdulot ito ng mga pinsala sa kalsada, tulay, simbahan at munisipyo. Hindi pa naiuulat kung may namatay o nasugatan sa lindol na ito.

Nilinaw ni Science Undersecretary at Philippine Institute of Volcanolgy and Seismology (Phivolcs) director Renato Solidum na ang dalawang lindol ay hindi magkaugnay. Pinawi rin niya ang pangamba ng mga tao sa pagkakaraoon ng tsunami. Ayon sa kanya, ang source ng lindol sa Zambales ay bunsod ng isang local “blind fault” o hindi batid na fault samantalang ang lindol sa Eastern Samar ay sanhi ng pagkilos ng Philippine Trench.

oOo

Maaaring magkaiba ng partido at paniniwala sina Pres. Rodrigo Roa Duterte at Vice Pres. Leni Robredo, subalit inaprubahan ng Pangulo ang proposal ng Kongreso na dagdagan ang budget para sa Office of the Vice President ngayong 2019. Sport lang si PRRD. Hindi niya bineto (vetoed) ang P216-millyon increase para sa OVP na inisyatiba ng Senado.

Noong Hulyo 2018, inirekomenda ni Mano Digong sa Kongreso na bigyan ang Tanggapan ng Pangalawang Pangulo ng P448 milyon para sa 2019. Dinagdagan ito ng Senado at ginawang P664 milyon ngayong taon. Biro ng kaibigan ko: “Baka nasulyapan ng Pangulo ang maputing binti ni VP Leni kung kaya hindi siya tumutol sa pagdaragdag sa pondo ng VP Office.”

Siyanga pala, ipinagdiwang ni beautiful Leni ang ika-54 kaarawan noong Martes sa Marawi City, benepisyaryo ng kanyang anti-poverty program na ANGAT BUHAY. Pinangunahan niya ang paglulunsad ng Ahon Laylayan Koalisyon sa Marantao, Lanao del Sur. Sa kanyang sulat-kamay, binati ni Sen. Leila de Lima si VP Leni, at pinasalamatan siya sa kanyang mga adbokasiya at prinsipyo, at paggalang sa human rights

-Bert de Guzman