Patay ang isang 80-anyos na babae habang sugatan naman ang anim na iba pa, kabilang ang isang Chinese, matapos lamunin ng dalawang oras na sunog ang isang 23 palapag na condominium building sa Barangay Tambo, Parañaque City, kaninang hapon.

Kinilala ni Parañaque City-Bureau of Fire Protection (BFP) Marshal Supt. Robert Pacis, ang nasawi na si Zenaida Uno.
Nadiskubre ang bangkay nito sa balkonahe ng ika-21 palapag ng gusali ng Pacific Coast Plaza sa Villamar Street.
Isinugod sa ospital ang mga nasugatan na sina Henry Sablay, 44; Edgardo Dela Cruz, 51; Ely Salabar, 31; Jeremiah Tee, 27; isang Mr. Cheng at isang hindi pa nakilalang lalaki.
Sa inisyal na imbestigasyon, sinabi ni BFP-NCR Director Supt. Wilfredo Rico Neil Kwan Tiu, na nagsimula ang sunog sa pagitan Unit 2102 na inuupahan ng isang alyas “Fernando”, dakong 11:56 ng umaga.
Reklamo ng mga bumbero, nahihirapan silang pumasok sa gusali dahil sa sikip ng lugar.
Inaalam pa ng BFP ang sanhi ng insidente at halaga ng naabong ari-arian.
-Jean Fernando