Pitong umanong miyembro ng ‘gun-for-hire’ group na sinasabing nagtatrabaho sa isang political candidate ngayong eleksiyon ang naaresto sa Barangay Ballesteros, Aurora, Isabela, kamakailan.

Ang mga ito ay nakilalang sina Roger Buccasan, 23, ng Bgy. Appas, Upper Lubu, Kalinga; Dario Balaybay, 49, ng Bgy. Upper Pingit, Baguio City; Jayson Sorad, 23, ng Upper Lubu, Tannudan, Kalinga; Pio Bana, 52, ng Bgy. Upper, Dacalan, Tannudan, Kalinga; Heartwin Banna, 22, ng Bgy. Gaang, Tannudan, Kalinga; Eddie Banao, 34, taga-Bgy. Daang Tannudan, Kalinga at isa pang lalaking menor de edad.
Sinabi ni Capt. Villamor Andaya, hepe ng Aurora Police, dinakip ang mga suspek sa loob ng isang inabandonang bahay ng namayapang barangay chairman na si Carlito Molina, nitong Abril 16, dakong 4:20 ng hapon.
Naiulat ng pulisya na bago ang pag-aresto, nakatanggap sila ng reklamo ng mga concerned citizen nang mamataan ang mga armadong suspek sa nasabing lugar.
Kumpiskado sa mga suspek ang anim na iba’t ibang uri ng baril at mga bala, at isang granada.
Hinala ng mga awtoridad, inuupahan sila bilang private armed group ng isang kandidato sa naturang bayan.
Ang pitong suspek na nasa kustodiya na ng pulisya ay sinampahan na ng kasong paglabag sa Republic Act 10591 at paglabag sa Omnibus Election Code.
-Liezle Basa Iñigo