Magbubukas ng mga espesyal na voting centers ang Comelec para sa mga katutubo at mga bilanggo.

“This is to make sure that one of our vulnerable sectors will be able to participate in the election. Despite their situation, they will still be able to vote,” sabi ni Comelec Director Teopisto Elnas, Jr., deputy director ng Project Management Office (PMO).
Sinabi ni Elnas na may 33 accessible voting centers (AVC) at special polling places (SPP) ang binuksan para sa mga katutubo o indigenous peoples (IPs) sa Bulacan, Aurora, Mindoro, Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Palawan, at South Cotabato.
Magkakaroon din ng mga voting center sa 225 piitan para sa 65,567 rehistradong botanteng persons deprived of liberty (PDLs).
Para sa mga katutubong gagamit ng automated election system, aayudahan sila ng electoral board (EB) upang makaboto.
Itinakda ang 150 katutubong botante sa isang SPP, na may sariling vote-counting machine (VCM).
Para sa mga hindi aabot sa 150 ang botante, magbubukas ng isang clustered IP polling precinct, at ang mga balota rito ay isasama nang kada batch sa VCM ng regular na polling precinct.
Ang mga botanteng bilanggo—na boboto sa SPP o sa pamamagitan ng escorted voting—ay maghahalal lang ng mga senador at party-list, at maaaring bumoto simula 6:00 ng umaga hanggang 2:00 ng hapon.
Tanging mga preso na nakapiit nang mahigit anim na buwan, dumadalo sa mga pagdinig ng kanilang mga kaso, at pinagsisilbihan ang kanilang sentensiya ng wala pang isang taon ang makakaboto.
-Minka Claudia S. Tiangco