WALA na palang planong bumalik sa pulitika si dating Manila Vice Mayor Isko Moreno, o Francisco Domagoso, dahil inilaan na niya ang oras niya sa pamilya at sa negosyo nila. Sakaling may offer sa showbiz, at kaya naman ng oras niya, puwede rin niyang balikan ang pag-aartista.
Pero sa maraming dahilan ay nahimok siyang bumalik at kumakandidato siya ngayon para mayor ng Maynila, kasangga si incumbent Vice Mayor Honey Lacuna.
Isa sa pinakamatinding dahilan ng pagbabalik-pulitika ni Isko ay ang walang katapusang basura sa Maynila, na simula’t sapul ay hindi na natapus-tapos, dahil wala namang maayos na programa para rito ang pamahalaang lungsod.
Open book naman na dating basurero ang kumakandidatong mayor, kaya alam niya kung paano tutugunan ang problema sa basura; ihiwalay lang ang nabubulok sa hindi nabubulok, at puwede nang maging pera ang basura.
Kaya kung siya ang palaring manalo bilang mayor ay ang basura kaagad ang aasikasuhin ni Isko.
“Modesty aside, alam mo talaga ang tadhana, o ang Diyos, maraming pamamaraan. If the number one problem of the City of Manila is garbage, suwerte rin sila (Manileño). Bakit? May kandidato na silang mayor na basurero,” sabi ni Isko.
“Sa first week, first month, first 100 days, I will address the garbage problem in Manila Bay, in Muelle de Binondo, in Estero de Magdalena, the one that you see in television and news, and the streets of Manila,” say ng actor cum pulitiko.
May programa nang naisip ni Isko, katuwang ang bise-alkaldeng si Honey.
“Meron kaming programa ni Honey, Pagkain sa Basura. Sabi ko sa inyo, para akong basurerong mayor.
“Iyong basura mo, kinukuha ko dati noong basurero ako. Ngayon, baligtad. Tayo na ang gobyerno, iyong basura mo, kinukuha ko, binabayaran ko ng pagkain.
“All those recyclable materials, carton, plastic, tansan, aluminum, tansong dilaw, tansong pula, bakal, huwag mong isama siya sa regular garbage.
“A system of segregation will be implemented. Kasi, two effects ‘yan, eh. One, economic, for individuals. Two, load of garbage in our dumpsite, wherever it is.
“So, ibig sabihin, mababawasan mo, may economic effect pa sa buhay ng tao—me, being a basurero. Iyang concept na ‘yan, in my heart, kahit nakapikit ako, kabisado ko.
“And maganda lang ngayon, sa mga makabagong gobyerno, sa ibang bansa, they’ve been doing it, kaya lang mas high-tech.
“Did you know that there is a country in Europe wherein there’s an ATM for garbage? Iyong bottle, ipasok mo sa ATM machine, bibigyan ka niya ng coupon. Pero cash.
“Ako naman, baligtad. Not to engage (money). Alam mo, may away rin ‘yan kapag (pera) kaya pagkain lang. So, iyong basura mo, you will be given a coupon, with corresponding points.
“Points accumulated equal to, halimbawa, dalawang kilong bigas, asukal. Mga basic goods sa bahay. It’s one way of encouraging and educating the next generation,” mahabang paliwanag ni Isko.
Naniniwala rin ang future Mayor of Manila na pati ang mga bata ay matututo ng tamang pagtatapon ng basura.
“If their parents, nakikita nila, are already segregating inside the household—hindi na itinuturo sa eskuwelahan, sa bahay pa lang—then, a new generation will come na sensible na rin. Sensitive na rin to the environment,” esplika ni Isko.
Ibabalik din daw ni Isko ang Metro Aide, at sa administrasyon niya ay magiging regular na ang mga ito at may benefits pa.
“Third, I’ll bring back Metro Aide. Alam natin na magaling ang Metro Aide noong araw. Umaga, may nagwawalis. Tanghali, may nagwawalis, Hapon, may nagwawalis. Walang tigil ‘yan. Walang humpay ‘yan.
“And it’s a decent job at the time. Even though you’re just a street sweeper, but it’s a decent job. Why? Because they are hired and regular employees of the government. May benefits.
“Panatag na sila, na tuwing ikalimang buwan, hindi na sila kakabahan kung mainit pa ang ulo ni Mayor, kung tatanggalin sila, kasi, JO (job order) lang sila.
“We’ll give them peace of mind. Job security. We’ll hire more people based on our capacity with regard to personal services. Tapos, we’ll train them, make them more efficient. This is about six districts, 896 barangays. We’ll have competition among the barangays. Palinisan. Isa bawat distrito. Anim na distrito. Mananalo sila ng tigwa-one million (pesos).
“Yes, one million para sa pinakamalinis na barangay ng bawat distrito sa bawat taon. What is P6M every year with 896 barangays competing against one another? “We’re paying P800M, there’s still garbage. I think, logic will dictate among right minds,” ani Isko, at ngumiti.
“If we can afford to pay P800M just to collect garbage and here you are, you’re asking me about this type of problem that you saw already, then, I think, what is P6M addition to whatever existing just to pump up, to motivate?” Samantala, ang isa sa mga anak ni Isko na si Joaquin Domagoso ay interesadong pasukin ang showbiz.
“Siya lang sa limang anak ko ang may gusto kaya hinahayaan ko. Basta hindi pababayaan ang pag-aaral,” saad ng guwapong tatay ni Joaquin.
Biglang naalala tuloy ni Isko na noong nadiskubre siya ni Daddie Wowie, na manager na rin ngayon ng anak niya, ay gusto siyang ipakilala na conyo boy, dahil nga tisoy at nag-aaral sa Ateneo.
“Pero tumanggi ako kasi hindi naman ako marunong mag-English. Pasok sana kasi tisoy ako, kaso mabubuko ako. Kaya hindi ako pumayag,” kuwento ni Isko.
Mabuti na lang daw at hindi natuloy ang plano ni Daddie Wowie, dahil may amateur video na kumalat na nakita si Isko sa isang lamayan sa Tondo kaya mabubuking talagang laking-Tondo si Isko Moreno, na nakilala sa That’s Entertainment noong 1990s.
-Reggee Bonoan