Napatay ang isang pinaghihinalaang lider ng isang drug syndicate nang lumaban umano sa mga awtoridad sa buy-bust operation na ikinasamsam ng P2.7 milyong halaga ng illegal drugs sa Barangay 6, Victorias City, Negros Occidental, kahapon ng umaga.

BOSS

Binawian ng buhay sa pinangyarihan ng insidente ang suspek na kinilala ng pulisya na si Leoner Jalandoon, ng Bgy. Banago, Bacolod City.

Isa umano itong lider ng sindikato ng droga sa lalawigan, ayon sa pulisya.

Metro

11K pulis, ide-deploy; 50K raliyista inaasahang dadalo sa ikatlong 'Trillion Peso March'

Naiulat na habang tinatangkang dakpin ito ng mga tauhan ng Drug Enforcement Unit, City Intelligence Unit ng Bacolod City Police Office, Victorias City Police Station, at Naval Intelligence and Security Force (NISF) ay pumalag ito.

Pinaputukan umano nito ng ilang beses ang grupo ng mga pulis kaya nakipagbarilan din ang mga ito na nagresulta ng pagkasawi nito.

Kumpiskado sa operasyon ang aabot sa 101 sachet ng pinaghihinalaang shabu na nagkakahalaga ng P2,727,000, marked money na P27,000, at drug paraphernalias.

Arestado rin ang umano’y ka-live-in partner ng suspek na si Janine Cruz, 18, ng Bgy. 16, ng nabanggit na lungsod.

Si Cruz ay nasa kustodiya na ng Victorias City Police Station.

Sinabi pa ng pulisya, si Jalandoon ang itinuturong source o pinagkukunan ng iligal na droga ng isang mag-asawa na nauna nang dinakip nang makuha sa kanilang pag-iingat ang P9.6 milyong halaga ng droga, sa isang operasyon sa lungsod, noong Abril 5.

-Glazyl Masculino