Maging aware sa pag-iwan sa inyong mga anak dahil maaaring ito ang maging dahilan ng inyong pagkakakulong.

ABANDONMENT_ONLINE

Isang lalaki, na inakusahan na hindi sinusuportahan ang sariling anak at dati nitong misis, ang inaresto ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Taguig City, nitong Sabado ng hapon.

Kinilala ni Police Major General Guillermo Eleazar, NCRPO regional director, ang suspek na si James Czarvi Esguerra, alyas JC, 33, ng Barangay San Miguel, Taguig City.

Romualdez, nanawagan sa Kamara: 'Let us reject baseless accusations!'

Pinosasan si Esguerra ng mga elemento ng NCRPO-Regional Special Operations Unit (RSOU), na nagsilbi ng alias arrest warrant laban sa kanya, sa isang fastfood chain sa C-5 Road, Diego Silang, Bgy. Ususan, bandang 1:30 ng hapon.

Ang alias arrest warrant ay inisyu ni Hon. Jennifer Santos-De Lumen, presiding judge of Cainta, Rizal Regional Trial Court, Branch 18-FC for Other Acts of Child Abuse (Non-Support), sa ilalim ng Republic Act 7610 in relation to RA 8369 o Family Courts Act of 1997.

Isiniwalat ni Eleazar na nag-ugat ang operasyon sa sumbong ng dating asawa ni Esguerra, na hiniling na huwag siyang pangalanan.

Ayon sa kanya, bigo si Esguerra na magkaloob ng pinansiyal na suporta sa kanilang anak simula 2010 hanggang 2013 simula nang maghiwalay sila noong 2010.

Taong 2014, tila nagbago si Esguerra dahil nagbigay na ito ng tulong pinansiyal sa kanyang pamilya.

Gayunman, makalipas ang dalawang taon, nagkaroon ng anak si Esguerra sa ibang babae at sinabi umano nito na hindi na nito masusuportahan ang kanilang anak.

Nagdesisyon ang dating misis ni Esguerra na magsampa ng kaso.

Ayon kay Eleazar, nagsagawa sila ng surveillance at monitoring kay Esguerra sa loob ng ilang linggo, na naging sanhi ng kanyang pagkakaaresto.

Dinala si Esguerra sa NCRPO-RSOU office sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon.

"The accused will remain in the custody of RSOU pending the legal orders from the court of origin," wika ni Eleazar.

-Martin A. Sadongdong