Kakasuhan ng Philippine National Police (PNP) ang walong pulis na itinuturong nambugbog sa isang naarestong umano’y drug pusher sa Cebu City, kamakailan.
Ito ang tiniyak ni Police Regional Office-Central Visayas director, Brig. Gen. Debold Sinas.
Aniya, agad nilang isasampa ang kasong kriminal at administratibo laban sa walong pulis na nakatalaga sa Talamban Police Station kapag napatunayang umabuso ang mga ito sa kanilang tungkulin.
Tumanggi ang opisyal na ibunyag ang pagkakakilanlan ng walo ngunit sinabi nito na inilipat na nila ang mga ito sa Cebu City Police Office (CCPO) habang iniimbestigahan pa ng Internal Affairs Service (IAS) ang kaso.
Tumanggi naman si Sinas na kilalanin ang walong pulis dahil hindi pa aniya natatapos ang imbestigasyon.
Paglilinaw nito, “pina-pull out” lamang nila ang walo sa kanilang presinto dahil bawal pa ang sumibak sa panahon ng halalan,
alinsunod sa Section 261 ng Omnibus Election Code.
Hihilingin aniya nila sa Commission on Elections (Comelec) na gumawa ng hakbang upang masibak sa posisyon ang mga ito.
Nauna nang nag-viral sa social media ang video ng insidente ng pambubugbog sa umano’y drug suspect na si Edwin Basillote na naaresto umano sa isang buy-bust operation.
Nag-alok na rin si City mayor Tomas Osmeña ng P100,000 sa sinumang makapagbibigay ng pagkakakilanlan ng walong pulis.
-Calvin Cordova