IPINALABAS kamakailan kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo ang matrix na mismong inilathala sa Manila Times nitong Lunes. Ito iyong drawing o sketch na nagpapakita ng daloy ng impormasyon laban sa Pangulo mula kay “Bikoy” patungo sa Rappler, Vera Files at Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ).
Pinangalanan din ang National Union of People’s Lawyers at mga kasapi ng mga organisasyon na umano’y nauugnay sa “Oust-Duterte” plot. Ang Bikoy ang ipinangalan sa taong nasa video na nag-viral sa social media, na inakusahan sina Davao City Mayor Sara Duterte, ang asawa niyang si Atty. Manases Carpio, dating City Vice-Mayor Paolo Duterte at ang partner ng Pangulo na si “Honeylet” Avancena at ang kanilang anak na si Veronica na nakinabang sa illegal drug trade. Samantalang ang PCIJ ang nagbunyag sa lumobong yaman ng Pangulo at ng kanyang mga anak base sa kani-kanilang Statements of Assets and Liabilities Networth (SALN).
Ayon kay Panelo, ang layunin ng plot na siraan ang administrasyon upang mawalan ng kredibilidad ang gobyerno. “Ang gobyernong nawawalan na ng kredibilidad ay simula ng kanyang pagbagsak dahil lalabanan na ito ng mamamayan at paniniwalaan na ang lahat ng mga kasinungalingan ilalako laban dito,” sabi pa ni Panelo.
Ang mga iniuugnay ng Pangulo sa sinasabi niyang kilusan para pabagsakin siya ay mga mamamahayag at manananggol. Katulad din ng Pangulo, ang mga ito ay may sinumpaang tungkulin sa kanilang bayan. Kung grupo man sila, hindi sila armado gaya ng CPP-NPA. Ang isinasangkot na mga mamamahayag sa planong patalsikin ang Pangulo ay walang taglay na sandata maliban sa pluma at katwiran na katuwang nila sa paggamit sa kanilang karapatan upang maging epektibo silang mamamahayag. Hindi sila marahas at pumapatay. Ang kanilang tungkulin ay ipagtanggol at bantayan ang ilaw ng katotohanan na pilit na pinapatay ng mga taong ang tanging layunin ay maghari at itaguyod ang kanilang sariling interes gamit ang kapangyarihang ipinagkaloob sa kanila ng taumbayan. Tungkulin nila na ibigay ang kabilang panig ng sinasabi ng mga may taglay nang kapangyarihan na umano ay katotohanan at ikabubuti ng sambayanan, pero sa kanilang nalalaman, ay makasasama sa mga ito. Sila ang tumutulong upang pumailanlang at magpingkian ang iba’t ibang ideya na makagagabay sa taumbayan para mapaganap nila ang gobyerno para sa kanilang kapakanan.
Samantala, ang mga manananggol, na isinasangkot ng Pangulo sa planong “Oust-Duterte”, ay mga matatapang na abogado na ginagamit ang kanilang propesyon upang pangibabawin ang batas. Sila iyong itinataya ang kanilang buhay upang mapanatiling mapayapa ang lipunan. Sila ang tinatawag na “equalizer”. Itinatabla ang kalagayan ng mga dukha at api ayon sa pangunahing layunin ng batas na ang lahat, mayaman o mahirap, makapangyarihan o ordinaryong mamamayan, ay pantay-pantay sa mata nito. Ang kanilang armas ay puso at isip, katwiran at pagmamalasakit.
Dahil ang mga tinutukoy ng Pangulo na mga sangkot sa pagbabagsak sa kanya ay ang mga mamamahayag, manunulat at manananggol, ang alam ko lang na kanilang kasalanan ay ipinakita, ipinagtanggol at itinaguyod ang kabilang panig ng kanyang sinasabi at ginagawa. Takot kasi siya sa liwanag at katotohanan na siyang tunay na mapagpalaya.
-Ric Valmonte