Isang sundalo at apat na sibilyan ang kinasuhan ng BI sa pagkakadawit umano sa “rent-a-car” scam na bumiktima ng daan-daan, kabilang ang ilang opisyal ng militar.

Sa panayam, inihayag ni NBI regional director for the Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), Atty. Arnold Rosales, na ipinagharap na nila ng syndicated estafa sa Cotabato City Prosecutor’s Office sina Cassandra Sharijane Dinayugan, owner-operator ng Lahdin’s Trucking and Car Rental; Richard Dinayugan, asawang Army junior officer; Kandi Samuel; Pancho Balawag; at Concepcion Balawag.

“There are 152 (victims) who have completed documentary requirements to constitute complaints so far,” ayon kay Rosales.

Sa naunang report, sinasabing nakakuha ng access si Cassandra sa militar at sa mga kliyenteng sibilyan dahil anak umano ito ng isang opisyal ng Department of Education, bukod pa sa nakapangasawa ng isang opisyal ng Philippine Army na nakapagtapos sa Philippine Military Academy (PMA).

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Sinabi ng pulisya na aabot na sa 600 luxury cars ang isinangla at ibinenta ni Cassandra sa mga kliyente nito, gamit ang mga bogus na papeles.

Karamihan sa nasabing sasakyan ay pag-aari ng mayayamang pamilya sa Cotabato region na nakakuha ng mula apat na luxury car pataas sa ilang car distribution company sa pamamagitan ng P25,000 monthly installment basis bawat isa.

Naiulat na mahigit sa P45,000 ang napagkasunduang renta ni Cassandra sa bawat sasakyan.

Gayunman, nabisto ang ilegal na gawain ni Cassandra nang hanapin na ito ng mga may-ari ng sasakyan dahil sa pagkabigong mabayaran ang kanyang renta.

Matatandaang kinumpirma ng isang opisyal ng militar na aabot na sa 100 opisyal ng 6th Infantry Division (ID) na nakabase sa Maguindanao at iba pang military unit sa labas ng Central Mindanao ang nabiktima ng nasabing scam.

Ali G. Macabalang