Nasawi ang isang piloto matapos bumagsak ang minamaniobra niyang eroplano habang nagsasagawa ng aerial spraying sa isang sagingan sa Davao del Norte, ngayong Sabado ng umaga.

Sa ulat na natanggap ng Camp Crame, Quezon City, ang nasawi ay nakilalang si Jessie Kevin Lagapa, 25 anyos.

Sa paunang imbestigasyon, pinalilipad ni Lagapa ang isang single-engine biplane agricultural aircraft na Grumman G-164 Ag Cat nang maganap ang insidente.

Bago bumulusok, sumabit muna ang eroplano sa high-tension live wire sa pagitan ng Barangays Kasilak at Mangalcal, na nasa Carmen at Panabo, ayon sa pagkakasunod, dakong 6:15 ng umaga.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Sumalpok din ang eroplano sa power transmission line na nagresulta sa pagkawasak ng airframe, makina at propeller nito.

Nagpadala na rin ang Civil Aviation Authority of the Philippines-Aircraft Accident and Incident Inquiry (CAAP-AAIIB) ng kanilang imbestigador sa lugar.

Naiulat pa na posibleng nasilaw ang piloto sa sikat ng araw kaya hindi nito napansin ang live wire.

Martin A. Sadongdong