HANGAD ng Commission on Population and Development (PopCom) na mapigilan ang 4.11 milyong ‘unwanted pregnancy’ pagsapit ng 2022 sa pamamagitan ng muling pagbuhay sa National Program on Family Planning (NPFP).
Kung makakamit ng mga mag-asawa ang nais nilang bilang ng mga anak, nasa 2.42 milyong kaso ng pagpapalaglag ng bata o abortion ang maiiwasan at 2,160 ina ang maililigtas mula sa panganib ng pagkamatay, ayon sa PopCom.
Pangunahing estratehiya ng ahensiya ang maisulong ang modernong “contraceptive prevalence rate” sa 65 porsiyento sa kababaihang nasa edad ng pagbubuntis.
Layon din nila na mas paigtingin ang family planning na maabot ang nasa 11.3 milyong Pilipinong mag-asawa sa susunod na apat na taon.
“Three out of every 10 pregnancies in the country are unplanned. According to a study, the impact of one child is a reduction of family savings by 33 percent. As a result, the poor are becoming more dependent on services from the government,” paliwanag ni Undersecretary Juan Antonio Perez, PopCom executive director, kamakailan.
“It is the poorest among the Filipinos who have four children even if they only want three children. With more children, it is harder for couples to provide the needs of children. The government needs to build more roads, schools, hospitals, and provide services for the growing population,” dagdag pa niya.
Nasa 2.7% sa kasalukuyan ang fertility rate ng Pilipinas na malayo sa target na 2.1%.
Sa pamamagitan ng mga contraceptives, inaasahan ng PopCom na makakamit ang target rate pagsapit ng 2022. Habang sa 2045, hangad ng ahensiya na maibaba pa ang fertility rate sa 1.85%.
“The country records an average of two million population increase every year, 10 times than the population growth of Thailand and South Korea,” pagbabahagi ni Perez. “We will accelerate the implementation of population management strategies to facilitate and complement other socioeconomic interventions for reaching demographic dividend.”
Tumutukoy ang ‘demographic dividend’ sa panahon kung saan malaki ang pagtaas ng working age population, na nagreresulta sa mababang ‘dependent children’ dulot ng pagbaba ng fertility, na nagbibigay ng pagkakataon sa mga pamilya na maitaas ang kanilang kita at ipon.
Kamakailan lamang pinangunahan ni Perez ang regional stakeholder’s dissemination forum on Executive Order (EO) 71 at Joint Memorandum Circular 2019-01 sa Haiyan Hotel and Resort.
Sa pagbabagong ito, hawak din ng PopCom chief ang posisyon bilang National Economic and Development Authority (NEDA) undersecretary for population and development.
Nilagdaan na ni Pangulong Duterte ang EO 71, na nagpapalit sa pangalan ng PopCom bilang Commission on Population and Development at paglalagay nito sa ilalim ng NEDA mula sa Department of Health (DoH).
“The directive is seen to strengthen the integration of population and development to increase the country’s economic growth as indicated in the Philippine Development Plan (PDP) 2017-2022,” ani Perez.
Hangad ng PopCom na mahikayat ang nasa apat na milyong mag-asawa upang tanggapin ang family planning methods sa susunod na apat na taon sa pamamagitan ng pinaigting na kampanya ng ahensiya.
Tinatayang mangangailangan ang ahensiya ng P1 bilyon pondo kada taon.
PNA