Puwede na ngayong magbiyahe ng mga alagang hayop sa mga pampublikong sasakyan, dahil pinapayagan na ito ng LTFRB.
Inilabas nitong Biyernes ng LTFRB ang memorandum na nag-aamyenda sa probisyon sa Memorandum Circular 2011-004, na nagtatakda ng mga termino at kondisyon sa certificate of public convenience at ng mga parusang ipapataw sa mga lalabag.
Sa 2011 order ng ahensiya, nakasaad na ang mga operator ng mga public utility vehicle (PUV) “shall not load animals of any kind, except fowls, in the carriage of such fowls and other animals the convenience, comfort and safety of the passengers shall not in any way be sacrificed. Any cargo which emit foul odor shall be covered with canvass or any other suitable material so that it not be offensive to passengers”.
May petsang Abril 15, inamyendahan ito ng Memoramdum Circular 2019-019, na nagpapahintulot na maisakay ang mga alagang hayop sa mga pampublikong sasakyan, alinsunod sa ilang kondisyon.
Ayon sa LTFRB, ang mga nasabing hayop ay dapat na nasa loob ng kulungan at ilalagay sa itinakdang animal compartment ng PUV kung mayroong iba pang pasahero sa nasabing sasakyan.
Kung walang ibang pasahero, sinabi ng LTFRB na “pets may be allowed to be carried by the owner as long as they are free from foul odor and that the owner maintains cleanliness and sanitation”.
“Further, the possessor or pet owner shall be responsible for the damage that the pet may cause, including the cleaning and sanitation of the PUV, as may be necessary,” saad pa sa memorandum.
Iginiit din ng ahensiya na ang “safety, convenience and comfort of the passengers shall not in any way be sacrificed” sa pagbibitbit ng mga alagang hayop sa biyahe.
Alexandria San Juan