Inaresto nitong Biyernes ang K-pop idol at drama star na si Park Yoochun sa umano’y pagbili at paggamit ng ilegal na droga, ang pinakabago sa serye ng eskandalong lumiligalig sa entertainment industry sa South Korea.

Park Yoochun

Park Yoochun

Inaprubahan ng Suwon District Court ang arrest warrant para kay Yoochun, 32-anyos, dahil sa pagkabahala ng posibleng pagkasira ng mga ebidensiya at pag-alis niya sa bansa, ayon sa tagapagsalita ng korte.

Hinihinalang ngayong taon ay bumili ang aktor ng nasa 1.5 gramo ng shabu kasama ang kanyang dating kasintahan, at limang beses itong ginamit, ayon sa Gyeonggi Nambu Provincial Police Agency.

Itinanggi ni Yoochun ang lahat ng akusasyon, at sinabing hindi siya kailanman gumamit ng droga.

Dahil sa kaso, kinansela na ng management agency ni Yoochun ang kanyang kontrata na sinundan ng balitang pagreretiro niya sa industriya, ayon sa C-JeS Entertainment.

Si Yoochun ay dating miyembro ng TVXQ sa pagitan ng 2003 hanggang 2009 bago niya iniwan ang grupo kasama ang dalawa pang miyembro, na bumuo sa grupong JYJ.

Sa pagpasok ng taon sinalubong ng mga eskandalo ang industriya ng entertainment sa South Korea, sangkot ang mga sex tapes, prostitusyon at sikretong group chat tungkol sa rape na naging dahilan ng pag-alis ng apat na K-pop star sa industriya.

Reuters