Ang Oscar winner na si Rami Malek ang bagong kontrabida sa muling pagganap ni Daniel Craig bilang James Bond sa ika-25 pelikula ng British spy franchise na ipalalabas sa susunod na taon.

RAMI

Umani ng papuri si Rami, 37, sa kanyang pagganap bilang ang iconic frontman ng Queen na si Freddie Mercury sa patok na pelikulang Bohemian Rhapsody noong nakaraang taon.

“I promise you all I will be making sure that Mr. Bond does not have an easy ride of it,” sinabi ni Rami sa isang recorded announcement mula sa New York, na isinapubliko bilang bahagi ng webcast tungkol sa bagong pelikula.

Tsika at Intriga

Carlos Yulo, wala pa raw naibibigay na tulong sa pamilya kahit palihim na abot?

Sa isang panayam, nangako si Rami na ibang atake ang gagawin niya para naiibang kontrabida naman ang mapanood ng Bond fans.

Itatampok sa pelikula ang “perspective of what it means to be a villain, and perhaps flipping that on its head in some way, shape or form,” sabi ni Rami.

Ang wala pa ring titulong pelikula, na may working title na “Bond 25”, ay panglima nang pagganap ni Daniel bilang pinakasikat na British fictional secret agent, at magtatampok sa mga on-location scenes sa Jamaica, sinabi ng mga producers sa webcast mula sa Caribbean island.

Pagkatapos ng Spectre noong 2015, sinabi ni Daniel na mas nanaisin pa niyang maglaslas ng pulso kaysa muling gumanap bilang James Bond. Subalit noong 2017, kinumpirma ng aktor na muli siyang gaganap bilang Agent 007—sa huling pagkakataon.

“A break was what I needed,” sinabi ni Daniel sa Reuters nitong Huwebes.  “I’m incredibly excited just to get going.”

Bukod kay Daniel, gaganap din muli sa kani-kanilang papel sina Ralph Fiennes bilang M, Naomie Harris bilang Moneypenny, at Ben Whishaw bilang Q. Mapapanood din sa ika-25 Bond film sina Jeffrey Wright, Billy Magnussen, at Dali Benssalah.

Inihayag na ng mga producer ng pelikula, na ipalalabas sa Abril 2020, na ang direktor ay si Cary Joji Fukunaga, ang nagdirehe sa unang season ng U.S. television drama na True Detective.

Kabilang sa mga tatak-James Bond ang exotic locations nito, na sinimulan sa Jamaica nang ilunsad ang pelikula noong 1962, sa Dr. No.

“We consider Jamaica Bond’s spiritual home,” sabi ng producer na si Barbara Broccoli.

Ang bagong pelikula ay kukuhanan sa Italy, Norway, at London—at Jamaica, ayon sa mga producers.

Ang matagumpay na Bond franchise, na batay sa mga nobela ni Ian Fleming, ay unang pinagbidahan ni Sean Connery. Gumanap din bilang Agent 007 sina George Lazenby, Roger Moore, Timothy Dalton, at Pierce Brosnan.

 -Reuters