“ANG katotohanan ay hindi lang isyu-pulitikal, higit sa lahat, isyu rin ito ng moral at espirituwal. Napakahalaga na malaman natin ang katotohanan kapag may mga pamilyang nagsasabi na ang kanilang mga mahal sa buhay ay hindi nanlaban at wala silang baril at ilegal na droga. Ang pinakamalaking kasinungalingang narinig ko mula noong 2016 ay ang war on drugs ay para lipulin ang mga ilegal na droga,” wika ni Bishop Pablo Virgilio David sa kanyang pagsasalita sa Second Conference on Democracy and Disinformation sa University of the Philippines sa Bonifacio Global City sa pamamagitan ng video call. Ginawa niya ang pahayag sa paraang ito para sa kanyang kaligtasan dahil pinagbantaan siya ni Pangulong Duterte sa maraming pagkakataon dahil sa pagbatikos niya sa malupit na pagpapairal ng kanyang war on drugs.

Naniniwala ako kay Bishop David hindi dahil sa siya ay bishop, bagkus dahil sa kanyang sinabing malaking kabulaanan na ang drug war ay para sugpuin ang mga ilegal na droga. Kasi, pinatutunayan naman ito ng mga pangyayari. Noong katindihan ng kampanya laban sa droga na marami nang napatay, sukat ba namang naipasok sa bansa ang 6.4 bilyong piso na halaga ng shabu sa Bureau of Customs (BoC). Mabuti at natunton ito sa isang warehouse sa Valenzuela. Maluwag itongnaipuslit dahil sa mga pamamaraang ginawa ni dating BoC Commissioner Nicanor Faeldon. Tinanggal ito sa pwesto ng Pangulo pero dinala naman niya sa Department of National Defense. Ngayon, siya na ang pinuno ng Muntinlupa Bureau of Correction nang lisanin ito ni Gen. Ronald dela Rosa. Eh dito nangyayari ang mga transaksiyon sa droga, kaya nga dito isinabit ng administrasyon si Sen. Leila Delima na inakusahan ng drug trade nang siya ay Secretary of Justice.

Nang ipalit ng Pangulo kay Faeldon si Isidro Lapeña, naipuslit naman sa pantalan ang 11 bilyong pisong halaga ng shabu na itinago sa apat na improvised magnetic lifter. Natunton ang mga ito sa GMA, Cavite, pero wala nang laman. Iginiit ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director Aaron Aquino na nilamnan ang mga ito ng shabu. Ayon sa kanya, pinatunayan ito ng mga sniffing dog at iba pang uri ng ebidensiya tulad ng mga labing naiwan dito na kawangis ang laman ng dalawang kagaya ring improvised magnetic lifter na nasabat sa Manila International Container Terminal. Ang dalawang ito ay naglalaman ng 3.4 bilyong pisong shabu na ang hinala ay pain para makalusot ang apat nilang kauri. Sa halip na paimbestigahan ng Pangulo ang insidente upang alamin ang katotohanan kung bakit nakalusot ang apat na magnetic lifters at kung pinaglagyan nga ang mga ito ng shabu, aba eh, publiko niyang inihayag kaagad na walang laman ang mga magnetic lifters. Dahil walang laman, aniya, walang shabu ang mga ito. Kaya sabi niya kay PDEA Director Aquino, haka-haka lamang niya ang tinuran nitong pinaglagyan ng shabu ang mga magnetic lifters. Dahil sinalungat ng Pangulo ang kanyang sinabi na ginamit na lalagyan ng shabu ang mga magnetic lifters, palihim at walang paalam na nagbakasyon si Aquino. Inalis ng Pangulo si Lapeña sa BoC, pero hinirang naman niya ito na pinuno ng TESDA.

Bakit hindi mo masasabing kasinungalingan na ang pagsugpo ng ilegal na droga ang layunin ng war on drugs ng Pangulo? Kasi habang patuloy ang mga pagpatay, patuloy naman ang pagdagsa at pagkalat ng ilegal na droga sa bansa. Isinasangkot pa ang pamilya ng Pangulo at ang kanyang Chinese economic consultant na si Michael Yang sa drug trade, na siyang kasong sanhi ng pagkakapiit ni Sen. Delima. Dahil dito, nararapat lamang na pakinggan ng sambayanan ang dumadagundong na hiyaw ng katarungan para sa mga napaslang ng war on drugs.

-Ric Valmonte