MARAMING plano ang Metro Manila Development Authority (MMDA) na layuning maibsan ang matinding trapiko sa Epifanio de los Santos Avenue (EDSA). Isa na rito ang EDSA bus loading-unloading ban na nag-dry run nitong Lunes.
Mahigpit na ipinatutupad ng MMDA ang point-to-point franchise ng provincial buses, na nangangahulugan na kailangan nilang dumiretso mula sa kanilang istasyon sa probinsiya patungo sa istasyon sa Metro Manila. Hindi sila maaaring magsakay o magbaba ng pasahero kahit saan — lalo na sa kahabaan ng EDSA.
May sariling bus terminal ang ilang kumpanya sa EDSA, lalo na malapit sa Cubao sa Quezon City, na nagpapaliwanag kung bakit ito ang may pinakamatinding trapiko sa buong Metro Manila. Plano ng MMDA na ikandado ang lahat ng bus terminal sa EDSA sa Hunyo; ililipat nila ito sa ibang lugar.
Mayroong traffic plan na ipinatupad nitong Disyembre na hindi naging epektibo. Ang mga bus mula sa Cavite at Batangas ay nagbaba ng kani-kanilang pasahero sa Parañaque Integrated Terminal Exchange, na landport para sa mga provincial buses.
Kinakailangang huminto ng mga provincial buses sa terminal, ibaba ang kanilang mga pasahero, at bumalik sa kani-kanilang probinsiya. Ngunit hindi sapat ang mga pampasaherong sasakyan upang isakay ang mga ibinabang pasahero sa kani-kanilang destinasyon sa Metro Manila.
Kaparehong terminal ang plano sa Valenzuela City at Sta. Rosa, Laguna, para sa mga provincial bus na mula sa Central Luzon at sa Southern Luzon. Ganoon din ang reklamo ng mga pasaherong pilit pinababa sa Valenzuela City, na walang sapat na bus na magsasakay sa kanila patungo sa lungsod.
Sinasabi na ang matinding trapiko sa EDSA ay mareresolba sa oras na magtagumpay ang “Build, Build, Build” sa pagtatayo ng mas maraming kalsada at highway, lalo na ang mga elevated, upang mapakinabangan ng daang-libong sasakyan na nadaragdag sa trapiko taun-taon.
Sa ngayon, kailangan natin ang mga plano gaya ng pagbabawal ng MMDA sa mga bus na huminto anumang oras sa EDSA upang magsakay at magbaba ng mga pasahero. Makatutulong din ang planong ikandado ang mga bus terminal sa EDSA. Ngunit ang landports sa Parañaque, Valenzuela, at Sta. Rosa ay kinakailangan pa nang mas matinding plano. Sa kanilang pagsisikap na hindi makaabala ang mga provincial bus sa Metro Manila, nakalimutan ng mga nagplano na magkaloob kung paano makabibiyahe ang ibinabang mga pasahero patungo sa Metro Manila kung saan sila nagtatrabaho