MAKABABAWI na rin sa perwisyong inabot ang mamamayan sa Metro Manila at Rizal na naging biktima ng biglang pagkawala ng serbisyo ng tubig sa kanilang lugar kapag ipinatupad na ang parusa na pagmumulta ng P1.15 bilyon para sa naging kapalpakan ng Manila Water.
Lumabas kasi sa imbestigasyon ng Metropolitan Waterworks and Sewerage Authority (MWSS) na pinamumunuan ni MWSS administrator Reynaldo Velasco na nalabag ng Manila Water ang “Article 10.4 of Concession Agreement” nang mabigo itong gampanan ang 24/7 water supply na nakasaad sa kasunduan.
Ang bilyong piso na parusa ay bubuuin ng P534 milyong multa at P600 milyon dagdag pondo sa itatayong bagong water source na pamamahalaan ng MWSS.
Maluwag sa kalooban naman na tinanggap ng pamunuan ng Manila Water ang kaparusahan sa kabila ng pagtanggi nila sa bintang na ang kanilang kumpaniya ang “root cause” sa naganap na malawakang kapalpakan sa serbisyo sa tubig.
Honga naman, malinaw sa mga dokumentong inilabas ng Manila Water – sa isinagawang imbestigasyon ng bagong board ng MWSS na pinamunuan nina Chairman Franklin J. Demonteverde at Administrator Velasco – na ang kapalpakan ay nag-ugat sa mga maling pagpapasiya ng dating pamunuan ng MWSS na pinangungunahan ni Administrator Gerardo Esquivel.
Sa ‘di maipaliwanang na dahilan o baka naman sa “magkanong” dahilan – ay binalewala ng MWSS board ni Esquivel ang mga rekomendasyon ng mga eksperto sa patubig ng Manila Water, na dapat sana’y makapagbibigay ng supply ng raw water na aabot sa 2222 Million Liters Daily (MLD), na sobra-sobra para sa 1705 LD lang na pang-araw-araw na pangangailangan sa buong Metro Manila at Rizal hanggang sa taong kasalukuyan.
Ito ang natatandaan kong paninindigan noon ni Esquivel kaya nagkaluko-loko ang serbisyo sa tubig: “Even without these two proposed projects, raw water supply of both concessionaires will be sufficient up to 2019 considering the expected operation of the Kaliwa Dam.”
Siyempre, ‘di pwedeng basta-basta na lamang manahimk ang bagong pamunuan ng MWSS na siyang tinamaan ng lahat ng sisi sa naganap na kapalpakan sa biglang pagkawala ng tubig sa malaking bahagi ng Metro Manila at Rizal, na tumagal rin ng ilang araw at linggo pa sa ilang lugar na gaya ng Mandaluyong.
“The water shortage was an eye-opener, and sad to say, the new MWSS Board inherited this lingering problem having assumed office only in February 2017. We are on a catch up,” malumanay na pahayag naman ni Velasco, matapos na ipalabas sa media ang naging hatol ng MWSS board.
Ang mabilis namang reaksyon ng ilang nakausap ko na nakaranas na ‘di maligo ng ilang araw dahil sa kawalan ng tubig: “Ang multa para sa Manila Water ay ibawas na lang sana sa mga susunod naming bills!”
Ang tanong ko naman: “Anyare sa pagte-tengang kawali ni Esquivel at mga dating miyembro ng MWSS board? Ganu’n na lang ba ‘yun?”
Mag-text at tumawag saGlobe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.