Umabot na sa 18 ang namatay habang 282 ang nasugatan at pito pa ang nawawala sa pagtama ng magnitude 6.1 na lindol sa Castillejos, Zambales nitong Lunes.
Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director at Office of Civil Defense (OCD) Administrator Undersecretary Ricardo B. Jalad, base sa situational report ngayong Biyernes, tinatayang P505 milyon ang napinsala ng lindol sa mga paaralan gayundin sa mga kalsada at tulay sa Regions 1, 3, 4A, at Metro Manila.
Sa ngayon, ayon kay Jalad, base sa datos ng NDRRMC, nasa kabuuang 1,230 bahay ang nasira sa Bataan at Pampanga, at 138 ang nasirang istruktura sa Region 3 at Metro Manila.
Samantala, dalawang pagyanig ang naramdaman sa Ilocos Norte at Leyte, ngayong umaga.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), ang pinakamalakas na lindol kahapon ay nasa magnitude 4.4, na naitala may pitong kilometro sa timog-kanluran ng San Nicolas sa Ilocos Norte.
Ayon sa Phivolcs, tumama ang lindol, na may lalim na 10 kilometro, dakong 3:00 ng umaga sa Ilocos, habang nasa 4.0 magnitude naman ang yumanig sa Leyte, bandang 10:44 ng umaga.
Ang epicenter ay sa pitong kilometro sa hilaga-silangan ng Albuera, Leyte at may lalim na dalawang kilometro.
-Francis T. Wakefield, Bella Gamotea, at Alexandria San Juan