Inaasahang aabot na sa Linggo sa critical level na 180 metro ang tubig sa Angat Dam habang patuloy na pagbaba ang water level bunsod ng hindi pag-ulan sa nakalipas na mga araw.
Sinabi ni Edgar Dela Cruz, hydrologist ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), na posibleng sa Linggo, Abril 28, ay umabot na ang water level ng Angat sa mababang water mark makaraang bumaba pa sa 180.73 metro ang tubig bandang 6:00 ng umaga ngayong Biyernes.
“Baka sa Sunday po nasa 180 meters na lang po tayo,” sinabi ni Dela Cruz sa isang panayam.
Batay sa datos ng Hydro-Meteorological Division ng PAGASA, ang kasalukuyang water level sa Angat Dam ay mas mababa sa naitalang 181.15 metro nitong Huwebes ng umaga, at mas mababa rin sa normal high water level na 212 metro.
Sinabi rin ng National Water Resources Board (NWRB) na kung susumahin ang naging pagbaba sa water level ng Angat Dam sa nakalipas na dalawang buwan, malaki ang posibilidad na sumadsad ito sa 170-metrong low water level sa huling bahagi ng Mayo.