Umalis patungong Beijing, China kahapon si Pagulong Duterte upang dumalo sa Second Belt and Road Initiative Forum for International Cooperation, mula Abril 25-27.
Nagkaroon ng malaking pagsulong kamakailan ang programang Belt and Road Initiative (BRI), kilala bilang New Silk Road, na tumutukoy sa sinaunang programa na dating pinagkaisahan ng mga bansa mula Asya patungong Europa bilang magkakatuwang sa kalakalan, nang maging unang pangunahing ekonomiya mula Europa ang bansang Italy na lumahok sa BRI sa kabuuang 29 na kasunduan sa China na nagkakahalaga ng 2.5 billion euro. Pinangunahan nina Italian Prime Minister Giuseppe Conte at China President Xi Jinping ang paglagda sa 29 na kasunduan mula sa pagbabangko hanggang enerhiya at sports na nagkakahalaga ng $2.8 bilyon.
Mula Italy, nagtungo si President Xi sa France kung saan naman niya nilagdaan ang $11.2 milyong kasunduang kalakalan dagdag pa ang $35 bilyon order para sa Airbus. Sa France, nakapulong niya si French President Emmanuel Macron at German Councellor Angela Merkel na tumalakay sa kanilang pangakong pagtutulungan para sa ‘multilateral trade relations’.
Nakatakda rin ang paglagda ng Switzerland sa isang memorandum of understanding kasama ang China upang paigtingin ang kooperasyon nito sa kalakalan, pamumuhunan, at pananalapi, sa pagbisita ni President Ueli Maurer sa China ngayong buwan.
Sa Asya, dumanas ng pagkaantala ang BRI nang suspindehin ng Malaysia ang isang East Coast Rail Link project na suportado ng China kasama ng iba pang malalaking proyektong pang-imprastraktura upang makahinga ang bansa sa lumulubong utang nito, gayunman nagkasundo si Prime Minister Mahathir at ang China na paikliin ang daang riles ng 40 kilometro, na tumapyas ng $2.4 bilyong gastos. At sa Sri Lanka, ang Hambantota port, na pumasok sa pagkikipagtulungan sa China Merchants Port Holdings noong 2017, ay nag-ulat ng malaking pagtaas sa bilang ng mga dumadaong na sasakyang-pandagat.
Isa si Pangulong Duterte sa mga unang lider ng mundo na lumagda sa Belt and Road Initiative, kumpiyansa na makatutulong ito sa pag-unlad ng ating bansa. Mula noon marami nang kasunduan ang nilagdaan sa China na naging malaki ang tungkulin sa malawakang programang pang-imprastraktura ng bansa, ang “Build, build, build.”
Posibleng lumagda sa limang bagong kasunduan ang dalawang bansa ngayong linggo—sa edukasyon, drug rehabilitatiom, anti-corruption, at development assistance. Maaari rin magkaroon ng pulong ang Pangulo kasabay ng kumperensiya.
Kaisa tayo ng Pangulo sa kanyang mataas na ekspektasyon para sa bansa sa pagdalo niya sa Second Belt and Road Initiative Forum sa Beijing.