Bahagyang bumaba ang bilang ng mga pamilyang Pilipino na nagugutom nitong Marso, nabawasan ng 100,000, base sa pinakabagong Social Weather Stations (SWS) survey result.

Ang first quarter survey, na isinagawa nitong Marso 28 hanggang 31 sa 1,440 respondents, 9.5 porsiyento o nasa 2.3 milyong pamilya ang nakaranas ng gutom sa nakalipas na tatlong buwan.
Ayon sa SWS, ang pinakabagong hunger rate ay mas mababa ng 1% sa 10.5% o 2.4 milyong pamilya noong Disyembre 2018.
Ito rin ang ikalawang magkasunod na quarter na nakitaan ng pagbaba ang bilang ng mga nagugutom mula sa nauna, diin ng SWS.
Ang resulta ay nabuo sa pagbaba ng bilang ng mga nagugutom sa Metro Manila at Mindanao, ngunit bahagyang tumaas sa ibang lugar.