MAPALAD pa rin ang Pilipinas kumpara sa ibang mga bansa, tulad sa Middle East, Pakistan, Africa at Americas. Sa Sri Lanka, kakila-kilabot ang mga pagsabog na ginawa ng mga terorista sa tatlong simbahan at apat na hotel. Ayon sa mga report, may 200 tao ang namatay at mahigit sa 400 ang nasugatan sa pagsabog. Baka raw dumami pa ang mga biktima.

Sa Pilipinas na isang Kristiyano at Katolikong bansa, hindi pa uso ang suicide bombings at pagpapasabog na ang malimit na biktima ay inosenteng mga sibilyan na walang kinalaman sa ideolohiya o paniniwala ng mga kriminal at terorista.

Kinondena ni Pope Francis ang kasuklam-suklam na karahasan na naganap nitong Pasko ng Pagkabuhay (Easter Sunday) sa Sri Lanka na kumitil sa buhay ng mga Kristiyano at dayuhan habang mataimitim na ipinagdiriwang ang okasyon.

Isa sa pinasabugan ay ang St. Anthony’s Shrine sa Colombo, Sri Lanka, isa sa tatlong simbahan, na kinaroroonan ng mga mananampalatayang nakikinig ng misa. Bukod kay Pope Francis, kinondena rin ng world leaders ang pagsabog. Sinabi ni Sri Lankan Prime Minister Ranil Wickremensinghe, isang karuwagan ang pagpapasabog ng mga kriminal.

Sa misa, hindi na nag-homily ang Papa sa Easter Sunday. Inihayag pa rin niya ang tradisyunal na mensahe na “Urbi et Orbi (To the City and the World), pero ang higit niyang itinampok ay mga karahasang nangyayari sa Gitnang Silangan, Africa at Americas.

Nanawagan si Lolo Kiko (Pope Francis) sa mga lider ng mundo na iwaksi ang hidwaan at sa halip ay magtrabaho nang sama-sama para sa kapayapaan at pagkakaunawaan. Kabilang sa nagkondena sa trahedya ay sina US Pres. Donald Trump, British Prime Minister Theresa May, Russian Pres. Vladimir Putin, at Turkish Pres. Recep Tayyin Erdogan.

oOo

Marami nang senior citizens ngayon sa PH, may ilang milyon na. Para kay ex-Manila Rep. Benjamin “Atong” Asilo, kailangang ipagpatuloy ang mga programa para sa senior citizens na noong kabataan ay kumilos para sa bansa. Si Asilo ang official candidate ng Puwersa ng Masang Pilipino na ang Mayoral candidate ay si Mayor Joseph Estrada.

Isinusulong din niya ang mga proyekto para sa edukasyon, kalusugan, pabahay, imprastraktura at maiangat ang buhay ng mga mahihirap sa Tondo na parang nakaligtaan na sa mga nakalipas na tatlong taon. Sa larangan ng edukasyon, nakapagpagawa na siya ng Manila City College para sa Tondo 1, mga paaralan, iskolar ng bayan, at mga kalsada.

Sabi nga ng kaibigan kong palabiro pero sarkastiko at ngayon ay pilosopo pa, kung lahat ng kandidato mula sa pagka-senador, kongresista at lokal, ay ganito ang attitude para sa mga mamamayan, aba eh tiyak na uunlad ang bayan, masisiyahan ang senior citizens, makapag-aaral ang kabataan.

Kung sa bagay, hindi lang si Asilo ang malapit ang puso sa nakatatandang mamamayan, maging si election lawyer Romulo Macalintal, kandidato sa pagka-senador ng OTSO DIRETSO, ay makiling at pabor din sa senior citizens. Sana ay maging matalino, mapanuri ang mga tao sa 2019 midterm elections, huwag maging BOBOtante na boboto sa mga PULPULitiko sapagkat kapag ganito ang nangyari, magkakaroon tayo ng GAGobyerno pagkatapos ng halalan.

-Bert de Guzman