NAPANOOD namin sa advance screening ang isang linggong episode ng bagong teleseryeng Sino Ang May Sala: Mea Culpa, na handog ng Dreamscape Entertaimment mula sa direksyon nina Dan Villegas at Andoy Ranay na mapapanood na sa Lunes, Abril 29, pagkatapos ng The General’s Daughter.

Anim na magkakaibigan sina Tony Labrusca, Ketchup Eusebio, Kit Thompson, Sandino Martin, Ivana Alawi at Bela Padilla na katatapos lang ng abogasya at dumayo ng Baguio City para ipagdiwang ang kanilang pagtatapos.

At bilang selebrasyon ay humithit ng marijuana ang magkakaibigan sa pangunguna ni Ketchup na maituturing na black sheep sa grupo.

Pauwi na ang magkakaibigan at palibhasa mga inaantok na, kaya mabilis ang takbo ng sasakyan na minamaneho ni Ivana. Maya-maya pa’y bigla na lang silang nakarinig ng balabag dahil may nabunggo silang babae at napatay nila ito.

Tsika at Intriga

Ethan David sa 'grooming' issue: 'I was the 13 yrs old being referred to!'

Nagtalo ang grupo dahil hindi puwedeng sumabit sila dahil hindi pa nila nakukuha ang lisensiya nila at oath taking.

Ang babaeng nasagasaan nila ang siyang dumukot sa anak ni Jodi Sta. Maria habang nasa hospital na natagpuan naman nina Bela sa talahiban.

At dahil nakokonsensiya si Bela, siya na mismo ang umampon sa batang natagpuan nila na hindi nila inakalang anak ni Jodi kaya tuluyan na niyang inangkin ang bagets.

Lumipas ang mahabang panahon, naging mag-asawa na sina Tony at Bela at itinuring na anak ang batang natagpuan nila. Naging mayor na ang una at abogada naman sa Public Attorney’s Office ang huli.

Si Kit naman ay ganap nang NBI agent, head naman ng legal department si Ivana sa kumpanya ng asawa, si Sandino ay isang hukom na tumutulong sa mahihirap at si Ketchup naman ay pumasok sa rehabilitation center dahil sa pagkagumon nito sa ilegal na gamot at problema sa sarili.

Gaganap na nanay ni Jodi si Janice de Belen kaya pahulaan ang mga dumalo sa advance screening kung mawawala na ang huli sa The General’s Daughter bilang kontrabidang asawa ni Tirso Cruz III at adoptive mother ng una.

Napakaganda ng unang linggong episode ng Sino Ang May Sala: Mea Culpa at tiyak na hindi ito bibitawan ng manonood tulad ng hindi rin nila pagbitaw sa FPJ’s Ang Probinsyano at The General’s Daughter.

Abangan sa Lunes, Abril 29 ang simula ng programa at nakatitiyak kaming hindi n’yo na kakayaning bitawan ito.

Samantala, ‘nakakatakot’ naman ang sagot sa amin ng taga-Dreamscape sa tanong namin na pawang programa nila ang mapapanood sa primetime, na sa pagkakaalam namin ay ngayon lang nangyari.

Kasama rin sa cast ng Sino Ang Maysala: Mea Culpa sina Agot Isidro, Ayen Munji-Laurel, Jay Manalo, Allan Paule, at Boboy Garovillo. Para sa updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o kaya’y bisitahin ang www.abscbnpr.com.

-Reggee Bonoan