NAGULANTANG ba kayo sa mga balita hinggil sa sunud-sunod na aksidente nitong nakaraang Semana Santa?

Marahil ang sagot ninyo: Wala nang bago d’yan!

And’yan ang nahulog na bus sa bangin, motorsiklo na sumalpok sa concrete barrier, kotseng tumaob sa highway, at iba pa.

Totoo naman na hindi na balita ang pagkakaroon ng aksidente tuwing Semana Santa.

Pero ‘tila dumarami ang mga insidente. Nakababahala na ito.

Ang obserbasyon ni Boy Commute ay mistulang mga asong nakawala sa kulungan ang mga driver kapag nakakakita ng lansangan na walang trapik. Kaya kung magpatakbo ng sasakyan ay parang wala nang bukas.

Tuloy ang kinahihinatnan nila ay aksidente. Kapag mas matindi pa ang malas na inabot, sa sementeryo ang bagsak.

Ito ay sa kabila ng pagtatalaga ng mga trapik enforcer at pulisya sa mga pangunahing lugar na karaniwang dinaragsa ng mga bakasyunista.

And’yan nga at nakaistambay ang mga pulis subalit nanghuhuli ba sila ng mga pasaway na driver at rider?

Maging ang mga ahensiya ng gobyerno ay ‘tila hanggang photo ops na lang sa paghuli sa mga barumbadong driver.

Pagkatapos nila magpalabas ng press release tungkol sa mga driver ng pampublikong sasakyan na bumagsak sa random drug test sa unang araw ng bakasyon, hindi mo na mahanap ang mga ito.

Diretsuhin na natin – Land Transportation Office, Land Transportation Franchising and Regulatory Board at Philippine National Police (PNP) Highway Patrol Group. Nasaan kayo sa mga sumunod na araw ng bakasyon? Nasa beach na rin ba kayo at nagsa-sun bathing?

Hindi bale kung ang sangkot sa aksidente ay ang mga pasaway na driver lang. Paano kung may nadamay na inosenteng sibilyan na nautusan lang na bumili ng toyo?

Nitong nakaraang linggo ay sinaluduhan natin ang mga volunteer ng motorist assistance group na tumutulong sa mga motoristang nagkaaberya sa kalsada.

Oo nga’t nandyan sila sa mga highway ay wala naman silang kapangyarihang manghuli ng mga barumbadong driver.

Dapat ay ipinagbabawal din ang mga PUV driver na lagare kung mangontrata tuwing bakasyon.

Mayroon d’yan na kumukuha ng pasahero na may biyaheng Manila-Baguio sa umaga. At pagbalik sa hapon ay may kasunod na pasahero na pupunta naman sa Bicol.

Daig pa ang mga champion sa Ironman endurance events kung magmaneho.

Ito ang mga driver na madalas maaksidente dahil sa kulang sa tulog at matinding pagod.

Dapat ay gumawa ang paraan ang mga ahensiya ng gobyerno na ipagbawal ang pangongontrata ng mga driver, lalo na ang mga nagmamaneho ng UV Express.

Tigilan n’yo na ‘yan!

-Aris Ilagan