CONCEPCION, Tarlac – Patay ang isang barangay kagawad nang rapiduhin ng dalawang lalaking naka-motorsiklo sa Barangay Pitabunan, Concepcion, Tarlac, kamakailan.

Binawian ng buhay habang ginagamot sa Sta. Rita Hospital ang biktimang si Edward Capil, 33, negosyante at kagawad ng Bgy. Cut-Cuty 2nd sa Capas, ng naturang lalawigan, dahil sa mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sugatan at ginagamot sa Tarlac Provincial Hospital ang dalawang suspek na sina Eduardo Abeleda, 48, ng Don Bosco, Tondo, Maynila; at Rowel Libao, binata, 42, ng Bgy. Cacutud, Arayat, Pampanga, matapos tamaan ng bala nang makipagbarilan pa sa kanila ang biktima.
Sa ulat ng pulisya, ang insidente ay naganap sa national highway sa nabanggit na lugar, dakong 10:30 ng gabi.
Sa imbestigasyon, pasakay na sana sa kotse ang biktima at driver nito na si Ronel David, nang biglang dumating dalawang suspek at pinagbabaril ito.
Sa kabila ng mga tama ng bala, nagawa pa umanong makipagbarilan ng biktima sa dalawang suspek na naaresto rin ng pulisya.
Nasamsam sa lugar ang isang cal. 40 pistol, mga basyo ng bala ng cal. 45 pistol, silencer at anim na pirasong transparent plastic sachet na naglalaman ng shabu.
-Leandro Alborote