Laro ngayon
(Cuneta Astrodome)
7:00 n.g. -- Magnolia vs Rain or Shine
M A G - U U N A H A N G makaagwat sa serye palapit sa pintuan ng kampeonato ang kapwa asam ng Rain or Shine at Magnolia sa kanilangh pagtutuos ngayong gabi sa pagpapatuloy ng 2019 PBA Philippine Cup semifinals.
Ganap na 7:00 ngayong gabi ang Game 5 ng Elasto Painters at ng Hotshots sa Cuneta Astrodome sa Pasay.
Naitabla ng Hotshots ang best-of-7 series sa 2-2 matapos nilang ipanalo ang Game 3 at Game 4.
Sa kabila ng natamong 91-94 na kabiguan sa nakaraan nilang laban, nakasinag ng pag-asa si Rain or Shine coach Caloy Garcia sa ipinakitang laro ng kanyang koponan partikular sa fourth canto.
Naniniwala siyang mayroon silang tsansa na muling manalo kung sasabay sila sa pisikalidad ng laro ng Hotshots.
“Well, I told them after the game, that it was a test of character at the end of the game. We climbed back from a twenty-one-point lead, I felt that we did a better job noong fourth quarter kasi naging physical nga kami,” ani Garcia.
“We just have to match up with the physicality and we’ll see what happens.”
Gayunman, kailangan nilang mapanatili ang kanilang composure at hindi madala ng kanilang emosyon.
“I thought our team kinda lost our composure and emotions got the best of us,” pahayag ni Gabe Norwood.
“We just have to control the things that we can control and go from there,” dagdag nito.
Sa panig ng Hotshots,sisikapin nilang muling makaungos gamit ang taglay na karanasan partikular sa playoffs.
-Marivic Awitan