UMAASA ang mga Pinoy riders na sina Daniel Ven Cariño at Marc Ryan Lago na makisama ang panahon sa pagsalang nila sa aksiyon sa individual time trial (ITT) ng 2019 Asian Cycling Championships for Road na gaganapin sa Uzbekistan sa unang pagkakataon.

“Sana gumanda ‘yung lagay ng panahon at hindi masyadong malamig,” pahayag ng 21-anyos na si Cariño, ay sasabak sa 40-km Men Under-23 individual time trial ganap na 3:30 ng hapon - 6:30 ng gabi dito sa Pilipinas.

Ang 18-anyos na si Lago, ay lalahok naman sa 30-km Men Junior ITT ganap na 1:00 ng hapon -4:00 dito sa bansa.

“Sobrang lamig,” ayon kay Team Manager Ednalyn Hualda sa press tatement matapos ang License Check at Team Managers Meeting sa Pyramida Hotel sa Chorvoq.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Ang pagbagsak ng temperatura sa 10 degrees Centigrade na sinabayan pa ng malakas na ulan ang kinatatakutan na magpapahirap sa pitong Filipinong siklista na ipinadala ng PhilCycling sa tulong ng Go For Gold at Philippine Sports Commission (PSC).

Naghanap ng langis si Hualda upang magamit ng mga riders para mabawasan ang lamig na kanilang nararamdaman. Ngunit, hindi sila makahanap dahil lahat ay may Russian label at wala silang mapagtanungan na marunong magsalita ng Ingles.

Gayunman, nangako ang mga miyembro ng Philippine team na ibibigay lahat ng kanilang makakaya.

“Asian Championships ito. at narito kami para ibigay yung best namin,” ani Cariño, ang Best Young Rider ng 2018 Le Tour de Filipinas.

Maliban kina Cariño at Lago, ang iba pang mga miyembro ng Philippine team ay sina Ismael Gorospe Jr., Joshua Mari Bonifacio at Jerico Lucero na sasalang sa Men Under 23 at Efren Reyes Jr. (18) at Ean Cajucom (17) sa Men Juniors massed start events sa Biyernes.

Nakapagwagi na ang Pilipinas ng dalawang medalya sa Asian Championships sa pamamagitan ni Rustom Lim na nagwagi ng bronze medal noong 2011 sa Nakhon Ratchasima sa Thailand at ni Rex Luis Krogg na nag-uwi ng silver sa Naypyidaw, Myanmar noong isang taon.

-Marivic Awitan