NAPUNO ng libu-libong taga-Maynila ang Baseco beach sa Tondo, Maynila nitong Linggo ng Pagkabuhay, upang maranasan kahit ilang minuto lamang ang pagtatampisaw sa malamig ng tubig ng look lalo na sa napakainit na panahon. Hindi na nila ito maaaring gawin sa katubigan ng Roxas Blvd. at sa bahagi ng Luneta, na binakuran na upang maiwasan ang pagpunta ng mga tao sa tubig kasama ng mga panuto na nagsasabing hindi pa ligtas para paglanguyan ang tubig.
Ang tubig sa bahaging ito ng look, partikular malapit sa Remedios St. sa malate ay nadiskubreng mayroong coliform bacteria na umaabot sa 35 milyong MPN (most probable number). Posibleng may alkantarilya malapit sa bahaging ito na naglalabas ng mga dumi ng tao at hayop sa look. Matapos isara ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang Manila Zoo at iba pang lugar na nadudulot ng polusyon sa Malate, bumababa na ang lebel ng coliform sa lugar.
Mula 35 milyong MPN malapit sa Remedios ST., bumaba ang lebel sa 11 milyon nitong Pebrero 11-15. Mula 7.9 milyong MPN malapit sa Padre Faura, bumaba ito sa 1.6 milyon. Mula 1.2 milyong MPN sa bahagi ng Embahada ng United States, bumaba ang lebel sa 1,700 MPN.
Ngunit ang ligtas na coliform level para sa paglalangoy ayon sa DENR, ay 100 MPN lamang. Nangangahulugan ito na malayo pa sa ligtas na lebel ang mga sinuring lugar. Kaya naman, kinakailangan talaga na harangan ang kahabaan ng Roxas blvd. upang maiwasan ang pagpunta ng mga tao sa look.
Sa Baseco, sa bunganga ng Ilog Pasig, na isang “V-shaped” na komunidad sa hilagang-kanluran ng North Harbor, maaaring mas malinis ang tubig lalo’t malayo ito sa mga alkantarilya sa Malate, kaya naman palagay ng mga tao ay mas ligtas dayuhin ang tubig sa bahaging ito ng look. Gayunman, sinasabing ‘polluted’ ang buong Manila Bay, na resulta ng ilang dekada pagdaloy ng maruruming tubig na nagmumula sa ‘di mabilang na mga ilog sa Bataan, Pampanga, Bulacan, Metro Manila, at Cavite.
Ito ang pinakamalaking pagsubok na kinakaharap ngayon ng DENR. Isa itong problemang daang beses na mas malaki kumpara sa Boracay. Naroon ang iba’t ibang klase ng mga basura, kabilang ang mga plastic na nagdadala ng panganib sa buhay ng mga laman-dagat, ngunit ang pangunahing suliranin ay ang polusyon na nagmumula sa milyun-milyong kabahayan, farm at mga pabrika, problemang ipinag-utos ng Korte Suprema na solusyunan ng pamahalaan noon pang 2008.
Matagal na naranasan ng mga tao sa paligid ng Manila Bay ang pagtatampisaw sa tubig nito lalo na sa panahon ng tag-init. Hindi na nila ito ngayon magawa sa siksikang mga lugar sa Maynila dahil sa bakod at paskil ng babala ng polusyon. Wala pang ganitong harang at mga babala sa isla ng Baseco, at umaasa tayo na ang polusyon dito ay hindi pa umaabot sa mapanganib na lebel.
Gayunman, kailangang palawakin ng DENR ang pagsusuri nito sa lahat ng lugar na nasa palibot ng look upang maprotektahan ang mga tao na hindi pa lubos ang kaalaman sa panganib ng tubig ng look. At dapat ding magpatuloy ang paglilinis at programang rehabilitasyon sa lugar ng walang pagkaantala sa susunod na limang taon, base na rin sa pagtataya ng ahensiya, na kinakailangan upang mapagtagumpayan ang programa