AAKYAT ng timbang si two-time world title challenger Warlito Parrenas upang hamunin si OPBF bantamweight champion Keita Kurihara sa Mayo 10 sa Korakuen Hall sa Tokyo, Japan.

Huling pagkakataon na ito ng 36-anyos at tubong Negros Occidental na si Parrenas para pumasok sa world rankings kaya kailangan niyang magwagi sa 26-anyos na si Kurihara.

Minsang nakipagduwelo si Parrenas kay Mexican David Carmona para sa bakanteng WBO super flyweight crown noong Hulyo 4, 2015 ngunit nalutong Macao siya nang magresulta ang kanilang laban sa 12-round split draw sa sagupaang ginanap sa Hermosillo, Mexico.

Hinamon niya ang noo’y WBO super flyweight titlist na si Naoya Inoue pero napatigil siya ng Hapones sa loob lamang ng dalawang rounds sa sagupaan sa Ariake Colosseum sa Tokyo, Japan noong Disyembre 29, 2015.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Natamo naman ni Kurihara ang bakanteng OPBF bantamweight title sa pagtalo sa world rated Yuki Strong Kobayashi sa puntos noong nakaraang Disyembre 24 sa Osaka, Japan.

May rekord si Kurihara na 13 panalo, 5 talo na may 11 pagwawagi sa knockouts kumpara kay Parrenas na may kartadang 26-9-1 na may 23 panalo sa knockouts.

-Gilbert Espeña