PATULOY ang “pagliliyab” ng tag-init sa minamahal kong Pilipinas. Ayon sa PAGASA (Philippine Athmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration), ang heat indices ay maaaring umabot sa mapanganib na antas na posibleng magresulta sa pagdanas ng heat stroke at pagkakasakit ng mamamayan.

Sa Metro Manila, doble ang “parusa” na kanilang nararanasan ngayon. Una, kakulangan o kawalan ng supply na tubig. Ikalawa, rotating brownout/blackout. Noong Sabado, ibinalita ng PAGASA na

ang pinakamatinding init o heat index sa bansa ay naitala sa Guiuan, Eastern Samar na 49.2 degrees Celsius noong Huwebes, isang peligrosong antas.

Ipinaliwanag ng ahensiya na ang heat index ay ang init na nararamdaman ng isang tao bunsod ng pagtaas ng temperatura. Ayon sa PAGASA, ang mga factor o dahilan ng heat index ay sanhi ng high air temperatures at high relative humidity. Mapanganib daw ang heat indices o init sa katawan na 41-54 degrees celsius, na posibleng maging dahilan ng heat cramps, heat exhaustion at heat stroke.

oOo

Dahil tag-init ngayon, nag-aapoy din at naglalagablab ang pulitika sa maraming panig ng bansa. Dito sa Maynila, dalawang damatan at isang bagets ang naglalaban. Ang dalawang damatan, este beterano, ay sina Mayor Joseph Estrada at ex-Mayor Alfredo. Ang bagets o kabataan pa, ay si ex-Vice Mayor Isko Moreno.

Sa taga-Maynila, alam ba ninyong ang piniling kandidato sa pagka-kongresista sa Unang Distrito ng lungsod nina Estrada at Vice Mayoralty candidate Amado Bagatsing, ay si ex-Manila Rep. Benjamin “Atong” Asilo. Si Asilo ay tinaguriang “Kampeon ng Masa” sapagkat laging ang kapakanan ng mahihirap ang kanyang inaasikaso sapul noong siya pa ang barangay captain, konsehal at kongresista.

Siya ang opisyal na kandidato sa Unang Distrito ng Puwersa ng Masang Pilipino na itinatag ni Estrada. Itinaas nina Mayor Estrada at ex-Rep. Bagatsing ang kamay ni Asilo sa pagsisimula ng kampanya ng mga lokal na pinuno ng siyudad.

Ang makakalaban ni Asilo sa First District ay isang independent candidate. Malawak na ang karanasan ni Asilo na nagbabalik upang maging kinatawan ng lungsod. Malaki ang pag-asa na mananalo uli siya upang mapaglingkuran ang mga kababayan sa Tondo.

oOo

Bagamat mahigit na sa 5,000 drug pushers, users at dealers ang napapatay ng PNP kaugnay ng anti-drug war ni Pres. Rodrigo Roa Duterte at mahigit sa 30,000 naman ang naitutumba alinsunod sa bersiyon ng mga kritiko at human rights advocates, nagbanta ang ating Pangulo na dapat nang bumili ng memorial plans o paglilibingan ang drug offenders dahil hindi magtutugot ang kanyang administrasyon sa paglipol sa kanila.

Nangako si PRRD na lilipulin niya ang drug pushers, users, dealers sa loob ng nalalabi niyang termino. Ayon sa kanya, hindi niya tatantanan ang pagsugpo sa illegal drugs kahit katakut-takot na kritisismo ang kanyang tinatanggap sa isinusulong na giyera sa ilegal na droga. “Papatayin ko ang sumisira sa aking bansa dahil sa illegal drugs.”

Binigyang-diin ni PRRD na bilang isang manggagawa ng bansa, tungkulin niyang protektahan ang mga mamamayan at mapanatiling tahimik at ligtas ang bansa. Kumporme kami Mr. President sa layuning ito. Wala kaming tutol, pero Ginoong Pangulo, sana ay hindi lamang ordinaryong mga pusher at user ang ipinatutumba mo sa mga pulis, pati iyong mga drug lord, drug smugglers, drug suppliers sapagkat kung walang supply na shabu, walang maitutulak ang pusher at walang magagamit ang mga adik!

-Bert de Guzman