Arestado ang isang lalaki nang mag-amok at tangkaing pasabugin ang Molotov sa Malabon City, kahapon.
Kinilala ni Police Col. Jessie B. Tamayo, hepe ng Malabon Police, ang suspek na si Ronald Reyes, 31, ng East Riverside, Barangay Potrero sa nasabing lungsod.
Sa report, nagsisigaw at galit na galit si Reyes, na may hawak na Molotov cocktail, sa kahabaan ng East Riverside, Bgy. Potrero, dakong 6:30 ng gabi.
Naghamon ng away at nagbantang sisindihan ang pampasabog kaya tumawag ang mga residente sa Police Community Precinct (PCP) 2.
Agad na rumesponde ang mga pulis at pinasuko si Reyes, ibinigay nito sa mga pulis ang tatlong bote ng Molotov.
Ayon sa suspek, aburido siya sa buhay dahil wala siyang permanenteng hanapbuhay.
Kinasuhan ang suspek ng Alarm and Scandal at paglabag sa RA 8294 (Illegal Possession of Firearms and Ammunitions).
-Orly L. Barcala