NANG biglang yumanig ang buong paligid dulot ng isang magnitude 6.1 na lindol nito lamang Lunes, ganap na 5:11 ng hapon, may isang katulad na pangyayari ang agad na tumining sa aking isipan at ito ay naganap halos 50 taon na rin ang nakararaan.
Ito ang paglindol na naganap noong Agosto 2, 1968 na binansagang “Ruby Tower Earthquake” na kumitil ng may 268 katao, na karamihan ay nalibing nang buhay sa gumuhong apartment na may anim na palapag, sa may kanto ng kalye Doroteo Jose at Teodora Alonso sa Sta Cruz, Maynila.
Sa naganap na lindol nitong Lunes, nasa harapan ako ng desktop computer at nagbabasa ng mga balita sa internet para sa aking isusulat na kolum, at hapon pa lang noon. Ilang minuto lamang ang nakalipas at nabasa ko na agad sa mga post sa social media, lalo na sa Facebook, ang pinsalang idinulot ng lindol, na pinakamatinding tumama sa Pampanga at ilang lalawigan sa Central Luzon.
Sa pinakahuling balita, habang isinusulat ko ang kolum na ito -- aabot na sa 11 ang bilang ng mga namatay dahil sa naganap na lindol sa ilang parte ng Luzon. Lima na ang naitalang patay sa pagguho ng isang gusali sa Porac, Pampanga, at bukod pa rito ang tatlo pang patay na naitala ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office. Namatay naman sa Lubao ang isang 56-anyos at ang kanyang pitong taong gulang na apo matapos mabagsakan at matabunan ng guho. Nagdulot din ng landslide ang lindol sa Zambales, kung saan namatay ang anim na taong gulang na bata sa pagguho.
Noong naganap ang “Ruby Tower Earthquake” noon ay madaling araw pa lamang, nakaupo ako sa harapan ng lamesa sa kusina at nagbabasa rin ng balita, hindi nga lamang sa internet, bagkus sa Current Events Digest, ang weekly newspaper para sa mga high school students na katulad ko noon, bilang paghahanda sa “quiz” na kahaharapin ng mga mag-aaral sa araw na iyon.
Halos papalubog na ang araw bago kumalat ang balitang maraming gusali ang nagkabitak-bitak sa lakas ng lindol na nagpadapa rin sa Ruby Tower Apartment.
Pumasok pa rin kami noon sa paaralan at doon ko lamang nalaman na posibleng maraming nalibing nang buhay sa gumuhong apartment dahil karamihan sa kanila ay mahimbing pang natutulog nang maganap ang magnitude 7.3 na lindol – ang pinakamalakas na naitalang lindol sa bansa.
Panghihinayang na may halong pagkainggit ang naramdaman ko noon dahil hindi ako nakasama sa grupo ng Boy Scouts na naging mga “volunteers” sa pag-rescue sa mga natabunang nakatira sa gumuhong Ruby Tower Apartment. Marami ring nailigtas ang mga estudyanteng “volunteers” na galing sa iba’t ibang paaralan sa Maynila.
Natatandaan ko na naging mahigpit ang pamantayan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa lahat ng itinayong gusali sa Metro Manila dahil sa sinapit ng Ruby Tower Apartment, kaya’t ang mga bagong gusali ay pawang tinawag na mga “earthquake proof building” o ang kakayahan na sumayaw at sumunod sa galaw ng lupa ng pundasyon ng mga gusali.
Sa mga pagyanig naman na nararamdaman natin ngayon – malakas man o mahina – ang aking ikinababahala ay ang tinatawag na “The Big One” ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Ito ay ang pinakamalakas na lindol na umano’y maaaring maganap “anumang oras at araw” kapag tuluyan nang gumalaw – may mga naitatala kasing maliliit na pagyanig sa “West Valley Fault” – ang earthquake fault line na tumutulay sa mga siyudad sa Metro Manila gaya ng Quezon City, Marikina, Pasig, Makati, Pateros, Taguig, at Muntinlupa.
May ilang taon na rin ang paghahanda ng pamahalaan sa pagsapit ng “The Big One” -- handa na rin ba tayo?
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.