NORMAL ang batuhan ng putik sa panahon ng halalan. Noong mga nagdaang halalan, may ginagastusan ang isang kandidato upang manira ng kanyang kalaban. Kaya noon, kapag malapit na ang eleksiyon, mayroon itong binabayaran na nagpapanggap na broadcaster o radio commentator.
Pero, ito ay hindi regular na bahagi ng programa ng himpilan ng radyo. Ang oras niya ay binabayaran ng kandidato at tinatagurian siyang block timer. Ang tungkulin niya ay hindi lang purihin ang kanyang pinaglilingkurang kandidato, inaatake rin niya at inihahayag ang kasiraan, may batayan man o wala, ng kalaban nito. Pagkatapos ng halalan, anuman ang naging kapalaran ng kanyang kandidato, mawawala na siya sa himpapawid, lalo na kung natalo ang kanyang kandidato, dahil wala nang magbabayad ng kanyang oras.
Ganito rin ang ginagawa ng mga basher at troll gamit ang social media. Ang kainaman naman noon, ang mga naglalabang kandidato ay nagsasalita at naririnig ng taumbayan ang kani-kanilang gagawin kapag sila ay nanunungkulan na.
Ngayon, si Pangulong Duterte na mismo ang gumaganap ng papel ng mga broadcaster, basher at troll. Sa mga political meeting ng PDP-LABAN at Hugpong ng Pagbabago, hindi na halos marinig ang mga kandidato nito, para sa lokal o nasyonal na posisyon, upang ipaalam sa taumbayan ang kani-kanilang ipinaglalabang adbokasiya at kung ano ang gagawin nilang paraan para mapairal ito kung sila ay magwagi.
Kasi, ang umuubos ng oras ay ang Pangulo sa pagganap niya sa papel ng mga bayarang block timer, basher o troll. Ang mahaba niyang talumpati ay namumutiktik sa pagmumura, panlalait, pangangantiyaw, paninira at pananakot. Ang iba niyang talumpati ay ginanap sa mga lugar tulad ng Malabon City, kung saan siya ay naka-bulletproof vest at nakatago sa likod ng bulletproof glass. Ang unang hanay ng kanyang tagapakinig ay ang mga opisyal na sundalo at pulis.
Kaya lang nga, kahit paano ay may bentaheng nakukuha ang taumbayan sa ginagawa ng Pangulo. Halimbawa, tinawag niyang “bakla” si Florin Hilbay, isa sa mga kandidato ng oposisyon ng Otso Diretso.
Nang bumwelta si Hilbay, hindi naman daw siya nabakla sa pakikipaglaban ng ating bansa sa China hinggil sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea. Kasama si Hilbay, nang siya ay Solicitor General pa, sa legal panel na kumatawan para sa bansa sa isinampa nitong reklamo sa International Arbitration Court laban sa China dahil sa agresibong panghihimasok nito sa pinag-aagawang teritoryo.
Nagwagi ang bansa. Pero, mistulang nabakla ang Pangulo na pairalin ito, bagkus, dumikit siya sa China para mangutang at makakuha ng negosyo.
Samantala, tinawag naman ng Pangulo na “pangit” si Chel Diokno ng Otso Diretso rin. Si Diokno ay dating Dean ng College of Law ng Dela Salle University, anak ng pinakamagaling at maprinsipyong manananggol at senador ng bansa na si Jose W. Diokno. Ipinagpatuloy niya ang Free Legal Assistance Group (Flag) na itinatag ng kanyang ama para tulungan at ipagtanggol ang mga dukha at api na biktima ng paglabag sa karapatang pantao.
Pangit sa paningin ng Pangulo si Diokno, pero sa mga pinaglingkuran at patuloy niyang pinaglilingkuran, pinakamatalino ito at maprinsipyong manananggol.
Sa ginagawa ng Pangulo, pinabababa lamang niya ang antas ng pangangampanya at napakababa ng turing niya sa mga manghahalal na Pilipino, gayong siya ang dapat magbigay ng halimbawa sa paggalang sa taumbayan.
-Ric Valmonte