HINDI dapat matakot ang mga pari na mamatay o mapatay para sa Panginoong Diyos. Ito ang pahayag ni Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates “Soc” Villegas sa Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) News post.
Paano, Archbishop Villegas, kung ang isang tao ay mamamatay o mapapatay sanhi ng illegal drugs na ang mga supply na shabu ay dulot ng mga drug lord?
Dagdag pa ni Villegas: “Ang kamatayan ay hindi isang banta. Ito ang ating kapalaran (destiny).”
Ayon sa Arsobispo, ang mapatay ay hindi pagkatalo ng kanilang misyon. Ang martyrdom ay maituturing daw na crowning glory ng kanilang misyon. Hindi raw dapat tumanggap ng ordinasyon ang mga pari kung sila’y natatakot na mapatay.
Marahil, ang payo ni Villegas ay sa harap ng umiiral ngayong karahasan na pati mga pari at obispo ay pinapatay ng mga walang budhing kriminal.
Ganito ang pasaring ni Archbishop Villegas sa nangyayaring patayan ngayon: “We must confront with holy anger the more than thirty thousand senseless murders of the poor in the name of a false drug-free society.” Aba kwidaw ka, baka ma-”p...i...na” ka ng isang makapangyarihan.
Para sa Philippine National Police (PNP), ang napapatay lang nila ay mahigit sa 5,000 drug pushers, users, dealers, pero para sa mga kritiko ng Duterte administration at ng human rights advocates, mahigit na sa 30,000 ang naitumba ng mga pulis at vigilantes na hinihinalang mga pulis din.
Sa wikang English, sinabi pa ni Villegas: “We must exorcise the creeping culture of vulgarity, obscenity, lewd jokes and lack of good breeding, with the humble power of the Crucified Lord.”
Si Villegas ay isa sa mga pari at obispo na tumanggap ng bantang kamatayan dahil sa pagpuna sa brutal na giyera ng administrasyong Duterte sa illegal drugs, na karamihan sa napapatay ay ordinaryong pushers at users samantalang ang drug lords at smugglers ay nakatatakas sa ibang bansa.
oOo
Gusto ng mga kandidato ng OTSO DIRETSO (OD), sa pangunguna nina Gary Alejano at Jose “Chel” Diokno, na magtungo sa West Philippine Sea (WPS), partikular sa Panatag (Scarborough) Shoal at Pag-asa Island, upang ipakita sa China at sa 104 na milyong Pilipino na teritoryo ng Pilipinas ang mga ito. Gayunman, parang ayaw silang payagan ng Philippine Coast Guard (PCG) dahil peligroso raw na magpunta sila roon na lulan lang ng fishing boat.
Sabi nga ng mga sarkastikong Pinoy, eh bakit si Pres. Rodrigo Roa Duterte ay nagsabi noon na siya ay sasakay sa jetski at pupunta sa WPS para “magtanim” ng bandilang Pilipino at ipamukha sa China na PH territory ito? Eh, bakit daw noon pa ay hindi sinabi ng PCG na bawal ito dahil mapanganib? Aba, iba noon dahil kampanyahan lang.
Eh sakali bang itinuloy ni PRRD na mag-jetski roon, papayag ba ang PCG? Ano ang masasabi ninyo?
oOo
Sa kabila ng kanyang pag-atake at pang-iinsulto sa pananampalatayang Katoliko, sinabi ng ating Pangulo na ang resiliency ng mga Pilipino ay bunsod ng matibay nilang pananalig sa Diyos.
Kalabit ng kaibigan kong palabiro-sarkastiko-pilosopo: “Hindi ba ‘di siya naniniwala sa Diyos, eh bakit ngayon binabanggit niya ang ngalan ng Diyos?”.
Sabad ni senior-jogger: “Ang hindi yata niya pinaniniwalaan ay ang Diyos ng mga Katoliko. Siya raw ay may sariling Diyos.”
Iba na ang tono ni PRRD ngayon. Naniniwala na siya sa Diyos na minsan ay inakusahan pa niyang “stupid”. Naniniwala rin siya sa karma. Dalawang beses na raw siyang nakarma. Sana naman ay hindi na siya ma-karma sa ikatlong beses, at sana ay matapos niya ang termino alang-alang sa minimithing pagbabago, kaunlaran at kapaypaan ng mahal nating Pilipinas!
-Bert de Guzman