Niyanig din ng lindol ang Eastern Samar ngayong Martes ng hapon, at mas malakas ito sa yumanig kahapon, sa lakas na magnitude 6.2.
Isang araw makaraang yanigin ng lindol ang Luzon, 6.2-magnitude naman ang naramdaman sa Eastern Samar ngayong Martes.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), naitala ang 6.2-magnitude na lindol bandang 1:37 ng hapon ngayong Martes.
Natukoy ang epicenter sa 19 na kilometro sa hilaga-kanluran ng San Julian, Eastern Samar.
Naramdaman ang “strong” na lindol, naitala sa Intensity 5, sa Tacloban City at Catbalogan City.
Samantala, “moderately strong” na Intensity 4 naman ang naramdaman sa Masbate City, Legazpi City, at Sorsogon City.
Sinabi ng Phivolcs na tectonic ang nasabing pagyanig, at may lalim na 17 kilometro.
Sinabi rin ng Phivolcs na may posibilidad ng mga nasawi at nasugatan at napinsalang ari-arian dahil sa lakas ng lindol, na inaasahang magdudulot ng aftershocks.
Ellalyn De Vera-Ruiz