Laro Ngayon
(Cuneta Astrodome)
7 pm Phoenix Pulse vs. San Miguel
TATANGKAING tumabla ng Phoenix Pulse sa series habang magsisikap naman ang San Miguel Beer na makabalik sa winning track at lumapit sa inaasam na finals berth sa muli nilang pagtutuos ngayong gabi sa pagpapatuloy ng 2019 PBA Philippine Cup semifinals.

Ganap na 7:00 ng gabi magsisimula ang Game 4 ng best-of-7 series sa Cuneta Astrodome sa Pasay.
Nakaiwas ang Phoenix sa 0-3 pagkakabaon nang maungusan nito ang Beermen sa Game 3, sa 92-90.
Hindi nakalaro para sa Beermen ang isa sa kanilang reliables na si Marcio Lassiter dahil sa iniindang “back spasm”.
Gayunman, kahit wala si Lassiter at nangamote sila sa kanilang shooting partikular sa freethrows, muntik pa silang nanalo kung pumasok ang huling tres na ibinato ni Chris Ross bago ang final buzzer.
At ang nasabing tsansa ang pinanghahawakan ni coach Leo Austria na gagamitin nilang buwelo sa susunod na laro.
“Even though we have a bad execution, still close eh. I think idu-dwell namin sa area na ‘yun.Kahit masama ‘yung nilaro namin, we still have a chance to win,” ani Austria na tiyak ng gagawan ng kaukulang adjustment sakali mang hindi pa makalaro ng maayos si Lassiter.
Sa kampo naman ng Fuel Masters, nakita na nila at natutunan kung paano at dapat tapusin ang isang playoff game kontra sa reigning champion.
“We were able to close out nung Game 3.At least ngayon alam na namin na kaya pala,” pahayag ni Phoenix coach Louie Alas.
“Sabi ko nga hindi tayo puwedeng maglaro ng less than 48 minutes against San Miguel. Nung Game 3 hanggang sa last seconds naka-execute kami,” dagdag nito.
-Marivic Awitan