NAG-REACT na ang ilang taong malapit kay Coco Martin sa hindi niya pagpatol sa walang katapusang tanong ng madlang pipol tungkol sa panganganak umano ni Julia Montes, at ang itinuturong ama ay ang bida ng FPJ’s Ang Probinsyano.
“Tanda mo noong nanganak si Katherine Luna (naging GF ni Coco sa pelikulang Masahista), hindi rin naman nagsasalita noon si Coco. Si Katherine lang naman ang nag-iingay noon na si Coco ang ama ng anak niya,” tsika sa amin ng aming source.
“Sabi lang niya (Katherine) noong buntis siya, binilhan siya ni Coco ng mga gamit para sa bata, pero nu’ng nanganak na hindi na, at hindi na sila nagkaroon ng ugnayan ni Coco. Seven years after saka ulit siya tumalak na willing siyang ipakilala kay Coco ang anak nila.
“Ni minsan hindi nagsalita si Coco, ‘di ba? Wala tayong narinig? Tapos hindi natin alam nagkaroon na pala ng pag-uusap sina Coco at Katherine tungkol sa bata.
“Hayun, ipina-DNA test and it turned out na hindi pala anak ni Coco ang bagets. Tinulungan na lang niya si Katherine, binigyan ng pampuhunan alang-alang sa bata.”
At sa kaso ngayon ni Julia, walang maririnig mula kay Coco. Ang tanong kasi, totoo bang nanganak si Julia? Alangan namang magsabi si Coco na hindi siya ang tatay, eh ‘di parang kinumpirma niyang nanganak nga.
“Sa totoo lang, kung totoo ang lahat, dapat si Julia ang magsalita tungkol dito, hindi si Coco. Bakit nga ba tahimik si Julia? Anong dahilan?” sunud-sunod na tanong sa amin.
Nabanggit din naming kahit ang management company ng aktres na Cornerstone Entertainment ay walang alam sa estado ngayon ng aktres, dahil hindi naman daw ito nagkukuwento at walang sinasabi.
Nabanggit pa sa amin noon ng taga- Cornerstone: “Kapag nangungumusta kami, ‘I’m okay, I’m fine.’ ‘Yan lang ang sagot. Ayaw naman naming magtanong kasi dapat kay Juls (tawag sa aktres) manggaling, ‘di ba, Regs?”
Kaya sa mga nanggagalaiting netizens kay Coco kung bakit hindi siya nagsasalita tungkol sa isyu nila ni Julia o anuman, baka naman kasi wala rin naman siyang puwedeng sabihin o hindi rin niya alam ang lahat.
At kung may alam man ang aktor, eh igalang natin ang pananahimik niya.
Hindi masalitang tao si Coco noon pa, puro lang siya trabaho para sa mahal sa buhay at tumulong sa mga taong nangangailangan, at higit sa lahat sa mga taong napapasaya nila dahil sa panonood ng Ang Probinsyano.
-REGGEE BONOAN