Nasa 16 na katao ang kumpirmadong patay habang paspasan ang kilos ng awtoridad upang masagip ang maraming tao na pinaniniwalaang nakulong sa apat na palapag na establisyemento na gumuho sa Porac, Pampanga sa naganap na 6.1 magnitude na lindol, nitong Lunes.
Karamihan sa mga nasawi ay mula sa Porac na ikinokonsiderang pinakamatinding naapektuhan ng pagyanig sa Central Luzon at Metro Manila— 12 sa kabuuang 15 nasawi mula sa bayan.
“There are 14 deaths in the entire Pampanga. Twelve are from Porac and two are from Lubao,” ayon kay Angelina Blanco, head ng Pampanga Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office.
Lima sa mga nasawi ay mula sa Chuzon supermarket, na gumuho sa Porac, habang ang pitong iba pa ay mula sa iba’t ibang barangay sa Porac. Ang isa pang nasawi ay iniulat mula sa Angeles City.
Ang ika-16 nasawi ay iniulat sa San Marcelino, Zambales.
Sinabi ni Blanco, patuloy nilang tinutukoy ang eksaktong bilang ng mga biktima.
“We still do not have the exact figure but according to the Human Resources office of Chuzon, there were 92 employees who reported for work on Monday,” sabi ni Blanco sa panayam sa DZBB.
“But we were also told that a number of them were able to go out before the collapse of the building,” dagdag niya.
Ayon kay RJ Magno, information officer ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nasa 30 katao ang pinaniniwalaang nakulong sa gusali.
-Aaron Recuenco at Fer Taboy