Iniulat ng Department of Education na 10 paaralan na ang natukoy na nasira ng magnitude 6.1 na lindol na tumama sa ilang bahagi ng Luzon, nitong Lunes ng hapon.

MAY MASASANDALAN Pinagmamasdan ng tauhan ng DPWH ang pagkakahilig ng 52-anyos na gusali ng Emilio Aguinaldo College sa katabi nitong gusali sa UN Avenue sa Maynila. (ALI VICOY)

MAY MASASANDALAN Pinagmamasdan ng tauhan ng DPWH ang pagkakahilig ng 52-anyos na gusali ng Emilio Aguinaldo College sa katabi nitong gusali sa UN Avenue sa Maynila. (ALI VICOY)

Batay sa situational reports na inilabas ng Disaster Risk Reduction and Management Service (DRRMS) ng DepEd, hanggang 9:30 ng umaga nitong Martes, kabilang sa mga paaralang nagtamo ng infrastructure damages ang (1) Laukan National High School sa Bataan; (2) Mabalacat Elementary School sa Pampanga; Malusac Elementary School, (4) Pio Elementary School, at (5) Camias High School sa Pampanga; (6) Subic Central Elementary School sa Olongapo City; (7) San Nicolas Integrated School at (8) Sindalan Elementary School sa San Fernando City; (9) Agusin High School sa Zambales; at (10) Cupang Senior High School sa Muntinlupa City.

Kabilang sa mga pinsalang natamo ng mga paaralan ang mga bitak sa sahig, pagkasira ng mga daan, corridors, at mga school buildings, bukod pa sa may mga bumagsak na dingding, kisame, at bakod.

National

DepEd, sinabing walang korapsyon sa pamumuno ni Sonny Angara

Nauna rito, ipinainspeksiyon ni Education Secretary Leonor Briones ang lahat ng paaralan kasunod ng lindol nitong Lunes.

Kinansela na rin ng DepEd ang klase sa mga paaralan sa Metro Manila na may pasok pa hanggang ngayon, gayundin ang trabaho sa mga school divisions offices ng kagawaran.

BUILDING NG EAC, HUMILIG

Kanselado rin ang klase sa Emilio Aguinaldo College (EAC) sa UN Avenue sa Maynila makaraang mapinsala at humilig ang 52-anyos na gusali nito.

Ayon sa Manila Police District (MPD)-Station 5 sa Ermita, nasira ang “cladding” ng gusali ng EAC dahil sa lindol at bumagsak, na nagresulta upang humilig ito sa katabi at bagong gawang UN Residences.

Walang iniulat na nasaktan sa insidente.

Kinumpirma rin ng MPD na bahagyang humilig din at nagtamo ng pinsala ang GAW Building sa Tomas Mapua, Binondo Street, sa Binondo.

Nag-viral naman ang video ng mistulang waterfalls na pagtapon ng tubig mula sa rooftop infinity pool ng Anchor Suites sa Ongpin, bagamat walang pinsala ang gusali at wala ring taong naapektuhan sa pagtapon ng tubig mula sa pool.

BABAE SUGATAN

Samantala, iniulat ng MPD-Station 4 sa Sampaloc na nasugatan at isinugod sa Perpetual Succor Hospital si Marjorie Laurente, 21, reviewee ng CPAR Review Center, at nakatuloy sa Immaculate Concepcion Ladies Dormitory sa España Boulevard.

Nabatid na kumakain si Laurente sa isang fastfood restaurant sa ground floor ng The One Torre Grand Centre sa España nang lumindol dakong 5:11 ng hapon.

Kaagad umanong inatasan ng mga security guard ng gusali ang mga tao sa lugar, kabilang ang biktima, na mag-evacuate.

Tumalima naman ang biktima ngunit nabagsakan siya ng maliliit na piraso ng mga nabasag na salamin ng mga bintana, na nahulog mula sa ikapitong palapag ng naturang gusali.

Tiniyak naman ng The One Torre Grand Centre na sasagutin nila ang pagpapagamot ni Laurente.

-Mary Ann Santiago