PINAWI ni Merwin Tan ang pitong taong pagkauhaw ng bansa sa gintong medalya nang pagbidahan ang boys singles event ng 20th Asian Youth Tenpin Bowling Championships kamakailan sa Megalanes Sarawak, Batu Kawa, Kuching City sa Malaysia.

TAN: Bagong bida sa Philippine bowling

TAN: Bagong bida sa Philippine bowling

Nakopo ni Tan, 19, ang gintong medalya sa naiskor na 1,352 pinfalls sa kabuuan ng anim na rounds kontra kina William Clark ng Australia (1,334) at Park Sang-Hyeok ng South Korea (1,326) sa torneo na nilahukan ng 40 kalalakihan at 36 batang babae mula sa Asian region.

“I just did my best in every game, every frame and every shot. I really needed to score at least a 200 in the last game and I’m really happy I was able to do just that,” pahayag ni Tan, naglaro sa torneo sa huling pagkakataon.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

“This gold medal is a blessing for me especially that I’m playing my last year here.”

Huling nagwagi ang Philippine youth team ng ginto sa Asian Youth noong 2012 sa pamamagitan ni Alexis Sy sa girls’ Masters event sa Egypt.

Bahagi rin si Tan, miyembro ng Philippine Team at Team Prima, ng koponan na nagwagi ng bronze medal sa team event ng 2018 World Youth Championship sa Detroit, Michigan, USA.

Bukod sa boys’ singles event, nakatakda ring lumaban si Tan sa boys’ doubles, team event at masters events.

Pumuwesto lang ang kasangga niyang si Kenzo sa ika-10 na may 1,261 pinfalls, habang tumipa si Alyssa Ty ng 1,092 pinfalls para sa ika-18 sa girls’ singles.

Ang iba pang miyembro ng Philippine junior team ay sina Patrick Nuqui at Kayle Abad sa boys at sina Bea Hernandez, Norel Nuevo at Grace Gella sa girls.

Kamakailan, nagwagi si Gella ng bronze medal sa girls’ singles event, habang kumana si Nuevo ng bronze sa masters event sa World Junior’s Championship sa France.

Tinanghal naman si Hernandez, US-based sa Southland University, na newcomer of the year at national rookie of the year sa US NCAA.

Itinataguyod ang koponan ng Philippine Sports Commission (PSC) at pinangangasiwaan nina coach Biboy Rivera at Jojo Canare, Mental Skills coach Marcus Jarwin Manalo at Strength and Conditioning coach Mr. Albert Gerald Rolle.

-BRIAN YALUNG