IPINAKITA ng mga world powerhouses Liman (world rank no. 1) at Riga Ghetto (no. 3) at lupit sa Balanga Chooks at Pasig Chooks matapos gapiin ang Philipines 3x3 squads sa quarterfinals ng 2019 FIBA World Tour Masters sa Doha,Qatar.
Yumukod ang Pasig sa Riga, 15-21, habang sumadsad ang Balanga sa Liman, 9-21, sa knockout quarterfinals ng una sa 12 World Tour legs ng torneo ngayong season.
Sa kabila ng kabiguan, ipinagmamalaki pa rin ni Chooks-to-Go Pilipinas 3x3 commissioner Eric Altamirano ang ipinakitang laban ng dalawang Philippine squads.
“We made a statement that we belong here in the World Tour,” ani Altamirani na tinutukoy ang panalo ng Pasig kontra Liman, 19-16, at ang tagumpay ng Balanga laban sa Riga, 19-17, sa nakaraang pool stages.
“Seeing the level of play here and knowing that we can keep up with the world’s best, it will definitely make our players hungrier to get back in the next legs of the World Tour,” dagdag nito.
Tinanghal na kampeon ang Riga ng Doha leg matapos ang 15-14 panalo nila kontra Kiman sa finals.
Tumapos ang Pasig quartet nina Taylor Statham, Joshua Munzon, Angelo Tsagarakis, at Nikola Pavlovic na panglima habang pumang-anim naman sa 12-team meet ang Balanga na binubuo nina Travis Franklin, Alvin Pasaol, Karl Dehesa, at Santi Santillan.
Sa slam dunk competition,tumapos namang runner-up ang Pinoy na si David Carlos kay 2018 FIBA 3X3 World Tour Dunk Champion Vadim Miller.
Nakatakdang lumaban ang Pasig Chooks sa Kunshan Challenger sa Mayo 18 to 19 kung saan susubukan nilang mag-qualify sa Chengdu Masters.
-Marivic Awitan