NAGLABAS ang Department of Labor and Employment (DoLE)-Region 5 ng P11 milyon para sa mga benepisyaryo ngayong taon ng Special Program for Employment of Student (SPES).

Sa isang panayam kay DoLE-Region 5 director, Atty. Alvin M. Villamor, nasa 3,563 estudyante at mga out-of-school youth (OSY) sa rehiyon ang makikinabang sa SPES.

Sinabi ni Villamor na sa Camarines Sur ay aabot sa 948 ang kabuuang benepisyaryo, 910 sa Albay, 338 sa Camarines Norte, 328 sa Catanduanes, 341 sa Masbate, at 698 naman ang student-workers sa Sorsogon.

“Some of the beneficiaries will be deployed to various LGUs (local government units) and private companies and will start this April wherein they will render service for 20 days. While others are still processing their requirements, we are also waiting for the placement reports to be submitted by the provincial field offices for them to begin in their respective jobs,” ani Villamor.

Para sa magiging suweldo ng mga student-workers, aniya, 60 porsiyento ng applicable minimum wage o hiring rate ang papasanin ng employer habang ang natitirang 40% ay sasagutin ng DoLE.

Ang mga kuwalipikadong aplikante ay kailangang nasa 15 anyos ngunit hindi lalampas ng 30 taong gulang. Kinakailangan ding may pasadong grado sa huling semestre.

Para naman sa mga OSY, kailangang sertipikado sila. At hindi lalampas ang kita sa regional poverty threshold ang magkasamang net income tax nila at ng kanilang mga magulang.

Ang mga benepisyaryo na nagtatrabaho sa mga pribado at pampublikong kumpanya ay dapat ding sakop ng insurance coverage para sa loob ng isang taon.

Maaari namang mag-apply ang mga interesadong estudyante sa pinakamalapit na Public Employment Service Office (PESO) sa kanilang bayan, at sumailalim sa preliminary interview at screening.

Ang SPES ay isang taunang employment program para sa mga estyudyante upang matulungan ang mga ito na makisalamuha sa mga pampubliko at pribadong katuwang na ahensiya ng pamahalaan upang mapaunlad ang kanilang taglay na kakayahan sa pamumuno at pampublikong serbisyo.

PNA