MAY kabanata (Psalm, 21 v. 19) sa “Awit at Salaysay ng PASIONG MAHAL” kung saan inilalalahad ang mga naganap pagkatapos ipako sa krus ng Panginoong Hesus.
Habang Siya ay nakabayubay sa krus, nilait Siya ng mga makapangyarihang tao. Upang malubos ang kanilang pagkutya sa Kanya, ipinagitna Siya sa dalawang magnanakaw na sina Hestas at Dimas na ipinako rin sa krus upang ang balang makakita ay tagurian din Siya na kapara ng dalawa.
Ganito ang bahagi ng “ARAL” na hinango sa nasabing kabanata:
Ito ang titingnan nawa
nang matapang at gahasa
mapagtanim sa kapuwa,
di gumanti’t aayaw nga
mapanganlang siya’y dusta.
Hunghang ka’t walang tuto
mapagpalalong totoo
sa Panginoon mong ito,
bago’y malupit kang tao
walang halagang gaano.
Kung gayon ang iyong tika
tantong nagkakamali ka,
ang mababa ay maganda
siyang ikagi-ginhawa
may puri at may buhay pa.
At ano ang gayang damdam
sa taong mapagmatapang
dili ang kahahangganan,
pawang hirap, kasakitan,
ang munsing kung makaraan.
Pagpapahirap at sakit
hiya’t sising di mumuntik
at panganib nang panganib
lalu kung sala’y malupit
ang lahat ay umi-iit.
At huwag kang maglililo
sa iyong kapuwa tao
para ng hayop sa damo,
ngayon sa oras na ito
kamahala’y ayunan mo.
Sa iyo ay isinangkap
ang karamdama’t potensias
katawan mo ay malakas,
ng ibigin ka ng lahat
ano’t sa hayop tumulad?
Wala ka nang makabagay
bait mo ay magkatimbang
malaks ka ma’t matapang
lagna’t sakit bulinyanang
sa iyo’y makabubuwal.
Doon mo mapagkukuro
ang iyong pagkapalalo
na walang kahalong biro,
para pang kahoy na tuyo
kapagkaraka’y magugupo.
-Ric Valmonte