KIDAPAWAN CITY – Napatay ng tropa ng gobyerno ang tatlong umano’y kaanib ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa magkakahiwalay na engkuwentro sa North Cotabato, kamakailan.

Sinabi ng Provincial Police Office ng North Cotabato, nasawi sa unang sagupaan si BIFF field leader Mando “Commander DM” Mamalumpong at tauhan na si Norhamin Sabdulla, nang lumaban umano ang mga ito habang isinisilbi ang warrant of arrest, sa Barangay Olandang sa Midasayap, nitong Sabado.
Ayon kay Police Col. Maximo Layugan, North Cotabato police director, sa halip na sumuko ay nakipagbarilan pa sa mga pulis at sundalo ang dalawa na nagresulta sa kanilang pagkakapaslang.
Nasamsam sa kanila ang isang M16 rifle at M14 rifle.
Nasawi naman sa ikalawang insidente si BIFF fighter Taib Tawan-Tawan at nasugatan naman ang field leader nito na si Samad Masdal.
Sa ulat, nakipagbarilan sa mga tauhan ng 34th Infantry Battalion (IB) ang grupo ni Masdal nang mamataan ang mga ito sa Bgy. Kadingilan sa nasabing bayan, kamakailan.
Narekober sa pinangyarihan ng sagupaan ang isang M16 rifle at mga bala nito.
-Ali G. Macabalang