WALANG fanfare, walang pabongga, walang public ceremony, walang nakatunghay na mga sipsip na senador at kongresista, nilagdaan noong Lunes ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) ang P3.757 trilyong pambansang budget para sa 2019. Tanging si Executive Salvador Medialdea lamang ang kasama at saksi sa paglagda sa national budget na ilang buwan ding nabalam dahil sa iringan ng Kamara at Senado.

Sa paglagda sa pambansang budget, bineto (vetoed) ni Mano Digong ang may 12 probisyon at ang mahigit sa P95 bilyong halaga ng public works projects na hinihinalang siningitan ng pork barrel. Sinabi ng Pangulo na hindi niya kukunsintihin ang kurapsiyon at hindi papayagang “paikutan” ang Kontitusyon para sa personal interest ng mga mambabatas.

Sa 13 pahinang veto message ni PDu30, pinaalalahanan niya ang mga mambabatas tungkol sa kanilang tungkulin sa mga mamamayan. Maanghang at masakit ang pasaring ng ating Presidente sa mga senador at kongresista na parang aso at pusa sa pag-aaway sa 2019 General Appropriations Bill: Hindi niya papayagang labagin ang Konstitusyon o anumang pagtatangka na lokohin ang taumbayan na kanyang pinaglilingkuran.

oOo

Tunay bang kaibigan ni PRRD si Chinese Pres. Xi Jinping o talaga bang magkaibigan ang Pilipinas at ang China? Ang katanungang ito ay sumusulpot bunsod ng patuloy na “pag-ani” o pagkuha ng mga higanteng taklobo (giants clams) sa karagatan ng Panatag Shoal ng mga tripulante ng Chinese ships. Para sa Malacañang, ang ganitong gawain ay isang “affront” o paglabag sa teritoryo at soberanya ng PH. Gagawa raw ng legal action o protesta ang Dept. of Foreign Affairs (DFA) laban sa China. Sige please, bilisan ninyo.

Kaugnay nito, hiniling sa Supreme Court na pilitin ang gobyerno na protektahan ang kapakanan ng ‘Pinas sa pinag-aagawang shoals sa West Philippine Sea, na kung saan itinataboy ng Chinese Coast Guard ang mga mangingisdang Pilipino.

Sa 34 pahinang petisyon na inihain sa pamamagitan ng Integrated Bar of the Philippines, isang grupo ng mga mangingisda mula sa Zambales at Palawan ang humiling sa SC na mag-isyu ng writ of kalikasan at writ of continuing mandamus na nag-aatas sa gobyerno na protektahan, ipreserba at ayusin ang kapaligiran sa Panatag Shoal, Ayungin Shoal at Panganiban (Mischief) Reef sa gitna ng walang lubay na intrusion o pagpasok ng CCG sa nasabing mga lugar. Parang hindi raw kumikilos ang pamahalaan tungkol dito.

oOo

Siyanga pala, nanatiling buo ang pagtitiwala ng mga Pinoy sa United States batay sa first quarter survey nitong 2019 ng Social Weather Stations (SWS). Tumanggap ang US ng net trust rating na +60 (70 percent much trust, 10 percent little trust), na ayon sa SWS ay “very good” nitong Marso 2019.

Ang Japan at Australia ay parehong nakakuha ng “good” net trust na +34 (54 percent much trust, 20 percent little trust) at +33 (51 percent much trust, 18 percent little trust, ayon sa pagkakasunod. Samantala, ang China naman ay nakakuha ng net trust rating na “neutral” -6 (32 percent much trust, 39 percent little trust). Nagtatanong at nagtataka ang publiko kung bakit bilib na bilib si PRRD sa China gayong mismong ang mga Pilipino na naghalal sa kanya bilang pangulo ay sa US pa rin nagtitiwala.

oOo

Sa pagkasunog ng pamosong Notre Dame Cathedral, sumagi sa isip ko ang nobela ni Victor Hugo, ang The Hunchback of Notre Dame. Ang hunchback o kuba rito ay si Quasimodo, the bell-ringer o taga-kalembang ng kampana ng simbahan. Umibig siya sa isang enchanting gypsy na si Esmeralda. Wagas na pag-ibig, subalit pag-ibig na hindi nagkaroon ng katuparan dahil sa imbing archdeacon na si Frollo.

Sana naman ay maisalba at mailigtas ang mahahalagang relika ng Notre Dame, kabilang ang “Korona ni Kristo” na sinasabing nasa kustodiya ng simbahan.

-Bert de Guzman